February 07, 2025

Home FEATURES Human-Interest

KILALANIN: Ang content creator na nasa likod ng kakaibang 'Pranking styles'

KILALANIN: Ang content creator na nasa likod ng kakaibang 'Pranking styles'
Photo courtesy: Jepitot/TikTok

Halos lahat na yata ay hindi nakaligtas sa pagpa-prank ng 22 taong gulang na ‘Prank King’ ng Pilipinas dahil maging ang kalangitan, araw, mga gamit sa bahay, local at international artist ay nabiktima na niya. 

Kilalanin si John Patrick Alejandro A.K.A “Jepitot” at ang kaniyang pagsikat sa social media platform na TikTok.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay “Jepitot,” marami siyang nilinaw sa kaniyang mga content at ibinahagi ang ilan sa kaniyang personal na kuwento bago siya tuluyang makapaghatid ng saya sa tinatayang limang milyon niyang followers sa TikTok. 

Kilala si Jepitot sa kaniyang mga prank videos kasama ang ilang bigating social media personalities katulad nina “Mr. Beast,” “Bbno$,” Ivana Alawi at marami pang iba pa. Hindi rin bumababa sa mahigit 2M views ang bawat content ni Jepitot.

Human-Interest

Dairy farm assistant sa NZ, pumalag sa pag-underestimate sa Agriculture course

“Nag-start ako mag-TikTok mga bago-bago pa lang and then sumikat ako mga 2022,” saad ni Jepitot. 

Ngunit paano nga ba humantong sa pagpa-prank ang mga content ni John Patrick?

Bago pa man maranasan ng ibang social media personalities ang prank ni John Patrick, ang kaniyang sarili muna ang una niyang biniktima noong 2022 na ngayo’y mayroong 3.3M views.

“Actually parang nagkataon lang because I was bored and I had a bad time kaya parang nonchalant yung itsura ko no’n. Ta’s napaisip ako, ‘puro prank-prank mga taong ‘to, wala man lang din akong ma-prank, what if prank ko na lang din sarili ko?’ so ayun,” ani John Patrick.

Narito ang isa sa mga most viewed tiktok video ni “Jepitot”

Magmula noon ay nagsunod-sunod na ang prank contents ni John Patrick hanggang sa maka-collab ang iba’t ibang bigating content creators. 

Si Jepitot at ang kaniyang bigating collabs

Nagsimula ang bigating collaborations ni John Patrick kasama ang iba’t ibang social media stars sa pamamagitan ng kaniyang itinuturing na “bestfriend,” na si Haley Baylee. Noong Disyembre 26, 2024 nang i-post ni Jepitot ang pag-prank niya sa kaniyang bestfriend na ngayo’y nasa 76.8M views na rin. 

“And ‘yon after no’n dami ng content creators na nagri-reachout sa akin at nakakatuwa,” saad ni JP.

Pina-sana all lang naman ni John Patrick ang kaniyang followers matapos nga niyang i-prank ang mga kilala at tila bigating pangalan sa mundo ng show business at social media.

Katulad na lamang ng “The Kardashians” (Angelo and Lexy) na ngayo’y isa na rin sa pinakamaraming views na umabot na sa 56.9M views, ang singer na si Yhung Khai na may 25.6M views na at kamakailan nga lang ay si Mr. Beast na mayroon ng 7.1M views.

Si Jepitot bilang si “John Patrick”

Sa kabila ng kasikatan at naibibigay na kasiyahan, ibinahagi ni John Patrick ang kaniyang nakaraan na hanggang ngayon daw ay sinusubukan pa rin niyang maghilom. 

Inilahad niya kung bakit siya tumigil sa pag-aaral at hindi na tumungtong ng paaralan bago mag-senior high school.

“Number one, mental health, number two suicide, number three, bullying. Biktima kasi ako,” saad ni John Patrick.

May balak pa rin daw siyang bumalik sa pag-aaral, ngunit saad niya, “Ipe-pursue ko pa rin, if ever once na ma-heal na yung…Kasi parang hindi pa okay until now.” 

Ang number one supporter ni “Jepitot”

Milyong tagasuporta man ang mayroon siya sa social media, masayang ibinahagi naman ni John Patrick ang kaniya raw nag-iisang inspirasyon sa totoong buhay.

“Lola ko po. Siya yung biggest number one inspiration ko. Like siya lang talaga, siya lang din yung naniniwala sa akin,” giit ni JP.

Dagdag pa niya, “Siya lang. Siya lang talaga ‘di gaya ng iba. Kaya lagi lang din akong nandito sa bahay ni lola kasi siya lang din yung naniniwala sa akin.” 

Mga dapat pang abangan kay “Jepitot”

Proud na sinabi ni John Patrick na bukod sa phone prank, ay target na rin umano niyang tagpuin ang iba pang bigating social media personalities na nakahanda raw niyang dayuhin sa ibang bansa, partikular sa Amerika.

“Sa August plano kong pumunta ng Amerika. Dati kasi phone collaborations lang through call. Ngayon, persons naman bago.”

Mensahe ni “Jepitot” sa kaniyang bashers at milyong followers

Pinagtatawanan na lang daw ni Jepitot ang kaniyang mga bashers kaysa seryosohin pa ang mga ito.

“Tawang-tawa na lang din talaga ako sa mga bashers, like kapag nababasa ko yung comment nila kasi nakakatawa like ang kikitid ng utak, Like ‘hala may mga perfect?’ ayun ganoon na lang,” saad ni John Patrick. 

Nagpasalamat din siya sa kaniyang millions of followers at sinigurong magpapatuloy pa rin aniya siya sa pagpapasaya. 

“I just wanted to say thank you. Thank you for all of your support and itutuloy at itutuloy ko pa rin ‘to. Hindi ako magbabago,” ani John Patrick. 

Ang kaniyang mga contents ay isang pruweba na ang bawat “prank,” ay hindi kinakailangan ng mapanakit at agresibong pang-aasar. Sa kuwentong ibinahagi ni John Patrick, tila isa rin itong patunay na maraming iba’t ibang paraan upang makapaghatid ng saya sa social media sa maliit at simpleng bagay man.