Iginiit ni House Speaker Martin Romualdez na hindi nila minamadali ang Senado sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, at pinauubaya na raw niya sa mga senador ang pagpapasya hinggil dito.
Sa isang panayam ng mga mamamahayag nitong Biyernes, Pebrero 7, tinanong si Romualdez kung minamadali ba umano ng House of Representatives ang Senado sa pagsasagawa ng mga pagdinig hinggil sa impeachment.
“No, it’s up to them. We leave it up to their sound discretion,” sagot ni Romualdez.
Matatandaang noong Miyerkules, Pebrero 5, nang maiakyat na sa Senado ang impeachment complaint laban kay Duterte matapos itong aprubahan ng House of Representatives sa pamamagitan ng mahigit 215 na pirma ng mga mambabatas, kasama na ni Romualdez.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Listahan ng solons na pumirma sa impeachment laban kay VP Sara
Kaugnay nito, iginiit ni Senate President Chiz Escudero kamakailan na hindi raw maaaring madaliin ang Senado sa pagsasagawa ng impeachment trial.
Ani Escudero, sa buwan ng Hunyo na raw magsisimula ng Senado ang paglilitis ng nasabing impeachment ng bise presidente.
Sa impeachment trial, kinakailangan ng two-thirds na boto, o 16 sa 24 senador, upang tuluyang mapatalsik si Duterte sa puwesto.