Sa nalalapit na 2025 midterm elections, nanawagan si Commission on Elections (Comelec) chair George Garcia sa publikong huwag iboto ang mga politikong mag-aalok ng pera para sa boto.
Sa isinagawang Ceremonial Signing and Launching ng Committee on Kontra Bigay nitong Biyernes, Pebrero 7, na inulat ng Manila Bulletin, iginiit ni Garcia na huwag dapat tanggapin ng mga botante ang pera dahil kinabukasan daw ng bansa ang nakasalalay rito.
"Hinding-hindi po sasabihin ng Comelec na: 'Tanggapin niyo na lang. pero wag n’yo iboto'," ani Garcia.
"Dahil kinabukasan ang ibinebenta natin.”
Ayon pa sa Comelec chair, kung hindi magpapadala ang mga botante sa vote-buying, maipakikita nilang maituturing ang mga Pilipinong “mature people of a maturing democracy.”
"Huwag tayong papayag na may nagtatake-advantage ng kahirapan natin," saad ni Garcia.
Nakatakdang isagawa ang 2025 midterm elections sa darating na Mayo 12, 2025.
Kaugnay nito, matatandaang kamakailan lamang nang ilabas ng Comelec ang listahan ng 66 kandidato para sa pagkasenador.
Maaaring mangampanya ang mga kandidato mula Pebrero 11 hanggang Mayo 10, 2025.