Noong Miyerkules, Pebrero 5, nang i-impeach ng House of Representatives si Vice President Sara Duterte matapos lumagda ang 215 miyembro nito.
Sa araw ding iyon ay ipinadala na ang naturang naaprubahang impeachment complaint sa Senado, kung saan isasagawa naman ang paglilitis at kinakailangan ng two-thirds na boto, o 16 sa 24 na senador, upang tuluyang mapatalsik si Duterte sa puwesto.
MAKI-BALITA: House of Representatives, inimpeach na si Vice President Sara Duterte
Kung mapapatalsik sa posisyon ang bise presidente, sino nga ba ang posibleng pumalit sa kaniya?
Base sa Article VII Section 9 ng 1987 Philippine Constitution, ang pangulo ng bansa, na ngayon ay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang may kapangyarihang mag-nominate mula sa mga miyembro ng Senado at House of Representatives kung sino ang magiging bagong bise presidente.
Samantala, magkahiwalay namang boboto ang lahat ng mga miyembro ng Senado at House of Representatives kung iluluklok nila bilang bise presidente ang pipiliin ng pangulo.
“Whenever there is a vacancy in the Office of the Vice-President during the term for which he was elected, the President shall nominate a Vice-President from among the Members of the Senate and the House of Representatives who shall assume office upon confirmation by a majority vote of all the Members of both Houses of the Congress, voting separately,” nakasaad sa Konstitusyon.
Narito naman ang mga kinakailangan para maging kuwalipikado sa pagiging bise presidente, na kapareho rin ng kuwalipikasyon sa pagkapresidente, base sa Article VII Section 2 at 3 ng Konstitusyon:
* natural-born citizen ng Pilipinas;
* registered voter;
* nakakapagbasa at nakakapagsulat;
* hindi bababa sa 40-anyos ang edad; at
* tumira sa Pilipinas nang hindi bababa sa 10 taon
Matatandaang maging si Senate President Chiz Escudero ay nagpaliwanag na kamakailan na hindi siya ang awtomatikong papalit bilang bise presidente kung mapatalsik si Duterte dahil ang pangulo raw ang magdedesisyon ng kaniyang pipiliin sa mababakanteng posisyon.
Kaugnay nito, binalikan ni Escudero ang nangyari sa panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada noong 2001.
“Nakita na nating nangyari 'yan. Noong natanggal si dating Pangulong Estrada si then Vice President (Gloria) Arroyo ang pumalit. Nabakante ang Vice President, ang ginawa niya—so hindi sabay nabakante. Nag-appoint siya mula sa Kongreso,” saad niya.
MAKI-BALITA: SP Chiz, nilinaw na hindi Senate President ang papalit kapag na-impeach si VP Sara
Matatandaang nang mapatalsik si Estrada bilang pangulo, pinalitan siya ni Arroyo, na sa panahong iyon ay tumatayong pangalawang pangulo ng bansa. Dahil umakyat sa pagkapangulo si Arroyo, nabakante ang posisyon ng bise presidente.
Pinili naman ni Arroyo ang noo’y Senate minority leader na si dating vice president Teofisto Guingona Jr.
Si Guingona ang naging top choice ni Arroyo mula sa iba pa niyang nasa listahan na sina Senador Koko Pimentel, dating Senador Franklin Drilon, dating Senador Raul Roco, Senador Loren Legarda, at dating Senador Ramon Magsaysay Jr.