“...wala kaming pakialam sa mga 'yan.”
Nilinaw ni Senate President Chiz Escudero na wala raw pakialam ang Senado sa mga indibidwal na pabor at hindi pabor sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa pagharap ni Escudero sa media nitong Huwebes, Pebrero 5, 2025, iginiit niyang nakahanda umano siyang magbingi-bingihan mula sa mga tahasang naghahayag ng kani-kanilang pagsuporta at pagkondena hinggil sa usapin ng impeachment laban sa pangalawang pangulo.
“Magbibingi-bingihan ako doon sa mga pabor at laban kay Vice President Duterte. Magbibingi-bingihan din ako doon sa tutol sa impeachment at ayaw kay Vice President Sara Duterte, hindi naman trabahong pakinggan sila,” ani Escudero.
Saad pa ni Escudero, gagampanan umano ng Senado ang kanilang tungkulin nang nakabatay sa batas at hindi raw base sa kani-kaniyang panig ng mga pabor at kontra sa impeachment.
“Trabaho naming gampanan ang aming tungkulin. Sa abot ng aming makakaya, base sa itinatalaga ng batas at hindi base sa gusto ng magkabilang panig na klaro at partisano,” anang Senate President.
Dadag pa niya, “Pabor man o kontra sa impeach. Pabor man o kontra kay Vice President Sara Duterte, wala kaming pakialam sa mga 'yan.”
Matatandaang tuluyan nang umakyat sa Senado ang impeachment complaints kay VP Sara noong Miyerkules, Pebrero 5, 2025, matapos nitong makakuha ng 215 boto mula sa House of Representatives.
KAUGNAY NA BALITA: House of Representatives, inimpeach na si Vice President Sara Duterte