Iginiit ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na hindi totoong pinilit ang mga mambabatas na pumirma sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang press conference nitong Huwebes, Pebrero 6, iginiit ni Castro na hindi naman lahat ng mga dumalo sa plenary session noong Miyerkules, Pebrero 5, ay lumagda sa impeachment complaint.
"Hindi totoo na may mga pilitan. In fact, may mga dumalo nga doon na hindi pumirma. Wala naman pumilit sa kanila," giit ni Castro.
Ayon din sa Makabayan solon, lumagda raw siya sa nasabing ikaapat na impeachment complaint laban kay Duterte dahil nakalagay rin dito ang ground na “betrayal of public trust” na nakasama inendorso nilang version ng reklamo.
"Kami naman ang Makabayan, pumirma kami doon dahil nakita namin yung aming inendorse na impeach complaint nakalagay yung tungkol doon sa betrayal of public trust," saad ni Castro.
Matatandaang noong Miyerkules nang i-impeach ng House of Representatives si Duterte matapos lumagda rito ang 215 mambabatas.
MAKI-BALITA: House of Representatives, inimpeach na si Vice President Sara Duterte
MAKI-BALITA: ALAMIN: Listahan ng solons na pumirma sa impeachment laban kay VP Sara
Naiakyat na ang reklamo sa Senado, kung saan isasagawa ang paglilitis at kinakailangan ng two-thirds na boto, o 16 sa 24 senador, upang tuluyang mapatalsik si Duterte sa puwesto.