Ipinaliwanag ni ACT-CIS Partylist Rep. at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na hindi siya lumagda sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte upang masiguro umanong magiging “impartial” pa rin ang kaniyang paghatol kung manalo siya sa 2025 senatorial elections at maging “senator-judge” dito.
Matatandaang nitong Miyerkules, Pebrero 5, nang patalsikin ng House of Representatives si Duterte matapos lumagda ang 215 miyembro nito, kasama ang sister-in-law ni Tulfo na si ACT-CIS Rep. Jocelyn Tulfo at anak nitong si Quezon City Rep. Ralph Wendell Tulfo.
Ipinadala na rin ang naturang naaprubahang impeachment complaint sa Senado, kung saan isasagawa ang paglilitis at kinakailangan ng two-thirds na boto, o 16 sa 24 senador, upang tuluyang mapatalsik si Duterte sa puwesto.
MAKI-BALITA: House of Representatives, inimpeach na si Vice President Sara Duterte
MAKI-BALITA: ALAMIN: Listahan ng solons na pumirma sa impeachment laban kay VP Sara
Kaugnay nito, sa isang pahayag nitong Huwebes, Pebrero 6, sinabi ni Tulfo na pinili niyang hindi lumagda dahil maaaring siya raw ang isa sa mga bagong maging senador na hahatol sa nasabing impeachment complaint.
“Hindi ako pumirma sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte dahil iniiwasan kong magkaroon ng bahid ang ating paghusga, lalo na't may tyansang maging senator-judge tayo,” ani Tulfo.
“Ilang buwan na lang bago ang halalan at magkakaroon ng bagong grupo ng mga senador na sisiyasat sa mga ebidensya. Ito yung pagtutuunan natin ng pansin sakaling maging senator-judge tayo- magbigay ng hatol ayon sa mga ilalatag na ebidensyang bawat panig.”
“Gayunpaman, habang wala pa sa pagkakataong iyon, patuloy tayo sa ating mga laban para mapaganda ang buhay ng mga Pilipino. Patuloy ang trabaho at pagiging kakampi ng inaapi,” saad pa niya.
Matatandaang nanguna si Tulfo sa senatorial preference survey ng Social Weather Stations (SWS) para sa 2025 midterm elections kamakailan.
MAKI-BALITA: Erwin Tulfo, nanguna sa senatorial survey ng SWS
Nakatakdang isagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.