Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kinokonsidera na umano ng pamahalaan ang tuluyang pagtanggal ng EDSA bus lane.
Sa isinagawang press briefing sa Malcañang nitong Miyerkules, Pebrero 5, 2025, naungkat umano ang naturang balak sa EDSA bus lane kaugnay ng pagpupulong sa Comprehensive Traffic Management Plan (CTMP) para sa Metro Manila at karatig-probinsya.
“If the MRT can take in bus carousel passengers, it would free up an entire lane on EDSA. One proposal is to repurpose that lane for high-occupancy vehicles, similar to carpool lanes in Los Angeles, where only vehicles with three or four passengers can use it” anang MMDA Chairman Romando Artes.
Giit ng MMDA, nakatakdang tanggalin ang EDSA busway kung sakaling kayanin umanong saluhin ng MRT ang libo-libong pasahero ng EDSA carousel kada araw.
“Well, napag-usapan din po kahapon iyan kasi nagsabi po ang DOTr na currently, they are expanding iyong carrying capacity ng MRT. I think, if I recall it right, additional 30% capacity kasi sa ngayon iyong bagon natin, tatlo lang bawat trip,” anang MMDA chairman.
Dagdag pa ni Artes, “If passengers can be accommodated by the train, we don’t see the need for the buses. The MRT has more stops, and the DOTr is also working on a seamless transfer system that will connect MRT to LRT-1 and other train lines.”
Samantala, nilinaw din ng MMDA na wala pa umanong petsa kung kailan nila ikakasa ang nasabing pagtanggal sa EDSA busway.