Nagbigay ng kaniyang pahayag ang dating senador na si Atty. Leila De Lima kaugnay sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte, na naisulong na sa Kongreso.
Mababasa sa post sa verified X account na "Leila de Lima #6MLPartylist" nitong Miyerkules, Pebrero 5, "Sa pagsisimula ng impeachment process, hamon sa ating mga kinatawan sa Kongreso na patunayan na kaya nilang isantabi ang personal at pampulitikang interes upang ipaglaban ang tama. Dapat patas at transparent ang proseso, at tunay na nagsusulong ng hustisya. Hindi puwedeng maging isang palabas lamang ito para pagtakpan ang katotohanan."
"Pero hindi ito simpleng laban. Gagalaw ang makinarya ng makapangyarihan para pigilan ito, para hadlangan ang katotohanan, at para takutin ang mga may tapang na manindigan. Kaya't nananawagan ako sa ating mga kababayan--maging mapagmatyag tayo. Hindi dito nagtatapos ang ating laban; simula pa lang ito."
Samantala, inimpeach na ng House of Representatives si Vice President Sara Duterte matapos pirmahan ng 215 na miyembro nito ang ikaapat na impeachment complaint.
Lagpas na ito mula sa requirement na one-third o 102 mga miyembro ng Kamara upang maka-usad ang impeachment complaint sa Senado.
Ang Articles of Impeachment ay awtomatikong ita-transmit sa Senado para sa paglilitis.
Si Duterte ang kauna-unahang bise presidente sa Pilipinas na inimpeach ng House of Representatives.
Si De Lima, ay isa sa mga kritiko ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.