Isang Pinoy na nagtatrabaho bilang Dairy farm assistant sa New Zealand, ang nagpatotoo na ang kursong Agriculture ay hindi dapat ina-underestimate o minamaliit.
Sa viral Facebook post ni Troy Duhalngon noong Enero 25, 2025, nagbigay siya ng mensahe sa mga nangmamaliit sa kursong agrikultura.
Ayon sa kaniya, marami pa rin ang nangmamaliit sa propesyong ito, kaya minabuti niyang sagutin ang mga negatibong pananaw sa pamamagitan ng kaniyang karanasan bilang agriculture graduate mula Ifugao State University Batch 2021.
Ibinahagi ni Troy na madalas siyang nakaririnig ng pangmamaliit noong nasa kolehiyo pa siya—mga tanong kung saan siya “pupulutin” pagkatapos ng graduation at pangungutya na “nagsasayang lang ng talino” ang mga kumukuha ng kursong ito.
Ngunit para sa kaniya, walang masama sa pagtatanim. Sa halip, nais niyang imulat ang iba sa malawak na sakop at kahalagahan ng agrikultura.
“I am not the one feeding you. It would be hypocritical if I tell you I do. The farmer does. Agriculture does. Those grains of rice on your plate, those pieces of meat which you could hardly chew because your mother didn’t cook it too well, the fruits you love to eat, these are products of agriculture and technically, it feeds you,” aniya sa kaniyang post.
Idiniin niyang hindi matatawaran ang papel ng mga magsasaka bilang “unrecognized heroes.”
Binasag rin niya ang maling paniniwala na madali ang kursong agrikultura. Sa katunayan, ito raw ay isang sining at agham—hindi lang basta pagtatanim, kundi may kasamang experimental research, scientific studies sa fertilizers at feeds, at ekonomiks ng agribusiness.
“We do experimental research. We test as to what type of fertilizer will yield the highest produce. We analyze feeds for livestock health. We even defend our theses in corporate attire,” aniya.
Isinalaysay rin ni Troy na dahil sa agrikultura, nakapagtrabaho siya sa United States, Israel, at New Zealand.
Ang kursong ito, aniya, ay nagbubukas ng walang katapusang oportunidad—mula sa international training at internships hanggang sa posibilidad ng six-digit salary.
Pinasinungalingan niya ang paniniwalang “para sa mahihina ang agrikultura” dahil kinakailangan dito ang husay sa research, science, math, chemistry, at business.
Dagdag pa niya, may tatlong araw na board exam ang kursong ito—isang patunay na hindi ito basta-basta.
“Ano, madali pa rin ba? Finish ka na kapag sinabi mong madali!” pabirong hamon niya sa mga nag-aakalang mababa ang agrikultura kumpara sa ibang kurso.
Bilang pagtatapos ng kaniyang caption, hinimok ni Troy ang publiko na itigil ang stereotype at stigma laban sa agrikultura. Aniya, walang madali sa kahit anong kurso—lahat ay may pagsubok at paghihirap.
“Stop the stigma. Do not stereotype. Do not look down on us. Because in reality, agriculture is everywhere, and it brings endless opportunities,” aniya.
Nagbigay rin siya ng mensahe para sa mga estudyanteng pinanghihinaan ng loob.
“Hindi mo kailangang patunayan ang sarili mo sa iba. Hindi mo kailangan ng approval ng kahit sino. Ang agrikultura ay isang matatag at makapangyarihang propesyon. Build your own castle out of the stones they throw at you,” payo ni Troy
Sa huli, ipinaalala niyang sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, mas mahalagang palaganapin ang positibong pananaw kaysa sa pangmamaliit.
“The world is already full of hate and negativity. Rather, spread love all the time,” aniya pa.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito umabot na sa 29k reacts, 2.8k comments at 6.4k shares ang nasabing post.
Mariah Ang