Kinumpirma ni House of Representatives Secretary General Reginald Velasco nitong Miyerkules, Pebrero 5, na nakakuha ng 153 pirma mula sa mga miyembro ng Kamara ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Lagpas na ito mula sa requirement na one-third ng mga miyembro ng Kamara upang maka-usad ang impeachment complaint sa Senado.
Gayunman, ano ang susunod na proseso sakaling tuluyan nang ma-impeach ng Kamara si Duterte?
Nakasaad sa Article XI Section 3 (3) ng 1987 Constitution na kinakailangang makakuha ng boto mula sa one-third ng mga miyembro ng House of Representatives upang pagtibayin ang isang paborableng resolusyon.
Kapag inihain na ng mga pumirmang miyembro ng Kamara ang impeachment complaint, sila rin ang magco-constitute ng Articles of Impeachment na iaakyat sa Senado para sa paglilitis.
Ang Senado ang may kapangyarihang magdesisyon hinggil sa inihaing impeachment complaint. Kinakailangan ng two-thirds ng Senate votes para ma-convict ang isang opisyal.
Kapag tuluyan nang ma-impeach ang isang opisyal, bawal o hindi na siya maaaring humawak muli ng kahit anong posisyon sa gobyerno.
"Judgment in cases of impeachment shall not extend further than removal from office and disqualification to hold any office under the Republic of the Philippines, but the party convicted shall nevertheless be liable and subject to prosecution, trial, and punishment, according to law,” nakasaad pa sa Article XI.
Malinaw ding binanggit ng Konstitusyon na "no impeachment proceedings shall be initiated against the same official more than once within a period of one year"
Samantala, sakaling umusad na nga sa Senado ang impeachment complaint, si Duterte ang kauna-unahang bise presidente sa Pilipinas na inimpeach ng House of Representatives.