Nakiisa si Vice President Sara Duterte sa isinagawang dry run para sa tamang proseso ng pagboto sa darating na halalan.
Sa isang Facebook post nitong Lunes, Pebrero 4, ibinahagi ng Office of the Vice President (OVP) ang pagbisita ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson Director John Rex Laudiangco sa kanilang flag raising ceremony upang magbigay ng briefing sa proseso ng eleksyon.
“Parte ng programa ang mga panauhin mula sa COMELEC, sa pangunguna ni Spokesperson Director John Rex C. Laudiangco, upang magsalita tungkol sa mga Do’s and Don'ts, at nagsagawa ng dry run para sa tamang proseso ng pagboto sa araw ng eleksyon,” anang OVP.
Makikita rin sa naturang post ang ilang mga larawan ni Duterte na sinusubukan ang proseso ng pagboto at personal na nagpapasok ng balota sa vote-counting machines.
Nakatakdang isagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.
Samantala, ibinahagi rin ng ahensya ang panunumpa ng bagong hanay ng mga opisyal ng Office of the Vice President Employees’ Association (OVPEA) na may layunin daw na “patatagin ang pagkakaisa sa hanay ng mga empleyado ng OVP.”
“Bilang pagtatapos, nagbigay ng mensahe ng pasasalamat si Vice President Sara Z. Duterte at bumati ng Happy Lunar New Year sa lahat,” saad pa ng OVP.