February 04, 2025

Home BALITA Politics

Trixie Angeles sa pagpapatawag sa kanila ng Kamara: 'Ito po ay isang paraan para patahimikin kami!'

Trixie Angeles sa pagpapatawag sa kanila ng Kamara: 'Ito po ay isang paraan para patahimikin kami!'
Photo Courtesy: Screenshot from SMNI (YT)

Binigyang-diin ni Former Press Secretary Trixie Angeles ang karapatan nila sa pagpapahayag matapos ipatawag ng House of Representatives ang mga tulad niyang online influencer at political vlogger na nagpapakalat umano ng fake news at disinformation.

Sa isinagawang press conference sa Korte Suprema nitong Martes, Pebrero 4, sinabi ni Angeles na ang pagpapatawag umano sa kanila ng Kamara ay isang paraan ng pagpapatahimik.

“Ito po ay isang paraan para patahimikin kami. Patahimikin sa pamamaraan ng marahas na pagtatanong do’n sa bahay nila, sa House of Representatives. Kung kaya’t naisipan namin na panindigan ang aming karapatan na magsalita,” saad ni Angeles.

Dagdag pa niya, “Pinaninindigan namin ito dahil ito ay garantisado ng ating Saligang Batas. Kung kaya’t dito sa aming petisyon na idinulog sa Korte Suprema sinasabi namin itong proceedings na ito ay paraan lang para pagalitan kami o patahimikin. Nakita naman namin kung anong ginawa sa mga resource person ng mga Quad Comm.”

Politics

Jonathan Morales, pinatutsadahan mga kongresista: ‘Gusto ko talaga silang sampalin ng katotohanan’

Ayon kay Angeles—bagama’t malay daw siyang masakit ang pagpapahayag nila ng kritisismo—alam din niyang ito ay isang karapatan upang masuri ang pagmamalabis ng mga opisyal ng pamahalaan.

“Kadalasan nagkokomento lang kami at nagpapahayag ng aming saloobin. Madalas ‘yong saloobin na ‘yon ay galit; galit sa mga pangyayari sa panahon ngayon,” aniya.

Kaya naman ang pagdulog daw nila sa Korte Suprema ay isa umanong paraan upang paglabanan ang lumiliit na espasyo ng demokrasya.

“Matagal na tayong ganito,” aniya, “I-point out ko lang. For a while, ini-enjoy talaga natin ang malawak na pagkakataon na ibinibigay ng social media sa mga katulad natin, ordinaryong mamamayan na nakahanap ng boses, nabigyan ng pagkakataon na mapahayag ang saloobin.”

“Gusto nila, takutin ang ordinaryong mamamayan na maging kritikal sa mga nagmamalabis na opisyales; sa mga pagmamalabis ng ating gobyerno. Anong gusto nila? Balewalain namin ‘yong nakikita naming karahasan; ‘yong greed na nakikita natin sa national budget?” dugtong pa ni Angeles.

Kaya sa pananaw niya, ipinatawag sila ng House of Representative para pagalitan hindi para marinig ang panig nila at ang kanilang “expertise.” 

“Ang tawag po dito, prior restraint,” sabi ni Angeles.