Binaril ng isang security guard sa Antipolo, Rizal ang kaniyang kasamahan hanggang sa mamatay dahil daw sa pagiging late nito sa pagdating sa trabaho noong Lunes, Pebrero 3.
Sa kuhang CCTV, makikitang pinaputukan ng sekyu ang kaniyang kasamahan nang ilang ulit, habang ang iba pang mga kasama naman ay lumayo.
Mapapansin din sa suspek na tila hindi siya natinag sa kaniyang ginawa.
Sa ulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Antipolo City Police chief Lt. Col. Ryan Manongdo na nag-ugat ang pamamaril ng suspek sa biktima dahil daw 30 minuto itong na-late sa pagdating sa trabaho. Ang suspek at biktima ay magkarelyebo sa kanilang duty.
Hindi lang daw ito ang unang beses na nahuli sa pagdating ang biktima dahil halos araw-araw daw kung ma-late ito. Nang sitahin daw tungkol dito, nagalit pa raw ang biktima at pinagbantaan pa raw siya pati na ang kaniyang pamilya. Ito raw ang nag-udyok sa suspek para gawin ang pamamaril sa biktima.
Dead on the spot ang biktima at nahaharap umano sa kasong homicide ang suspek.