Hindi raw natiis ng isang netizen na hindi i-edit ang mga nakita niyang corrections sa viral na announcement ng isang pamantasan sa Cabuyao, Laguna, patungkol sa kanilang ipinatutupad na "English-Only Policy" na epektibo noong Lunes, Pebrero 3.
Nag-viral ang announcement post ng University of cabuyao patungkol sa kanilang implementasyon ng EOP sa lahat ng transaksyon sa loob ng kanilang paaralan, sa pasalita o pasulat mang paraan ng komunikasyon, na susundin ng mga mag-aaral, guro, at empleyado.
Mababasa sa opisyal na Facebook page ng pamantasan ang nabanggit na anunsyo.
"To uphold academic excellence and global competitiveness, Pamantasan ng Cabuyao (University of Cabuyao) will enforce the ENGLISH ONLY POLICY starting February 3, 2025," mababasa sa caption.
"Effective on this date, all official transactions, classes, and interactions within the university must be conducted exclusively in English, both in written and spoken communication. This policy applies to students, faculty, staff, and all university personnel to cultivate a strong English-speaking environment."
"We encourage everyone to fully support this initiative as we strive to produce globally competent graduates."
"Strict compliance is required."
"Thank you for your cooperation."
Samantala, sa mismong art card naman, mababasang isinusulong ang nabanggit na polisiya para sa vision ng pamantasan na makapag-produce ng "globally competitive" at "world class students" kaya isa nang "English Speaking Campus" ito.
Makikita sa art card na ito ay mula sa OIC-President ng pamantasan na si Librado Dimaunahan.
Inulan naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga dalubhasa at karaniwang netizens, na karamihan, ay nagsabing tila "atrasado" raw ang pananaw ng pamunuan ng unibersidad pagdating sa paggamit ng wika; na tila nakasalig daw sa pagsasalita ng wikang Ingles ang pagiging globally competitive at world-class ng mga mag-aaral nila.
Sa kabilang banda, may mga nagtanggol din naman sa hakbang ng pamantasan dahil wala naman daw masama sa layuning mahasa ang pagsasalita sa wikang Ingles ng mga mag-aaral, guro, at empleyado, lalo't kinakailangan daw ito sa pakikipagtalastasan sa ilang mga larang, gayundin sa mga dayuhan.
MAKI-BALITA: 'English Only Policy' ng isang unibersidad sa Laguna, inulan ng reaksiyon
Samantala, isang netizen naman na nagngangalang "Leo Laparan II" (Leo Lap sa kaniyang Facebook account) ang nag-edit sa mga mababasa sa nabanggit na viral announcement post.
Mababasa sa kaniyang caption, "'EOP' GONE WRONG? -- Before we implement policies such as this and demand our stakeholders to strictly comply, let's make sure we can do and are doing things correctly in relation to our policy. If we can't, let's stick to our pagmamahal sa sariling wika. Keri?"
"Sarreh, can't tiis myself not to do this," aniya pa.
"You're welcome, Pamantasan ng Cabuyao," saad niya sa Facebook post.
Kalakip ng kaniyang post ang inedit niyang announcement ng pamantasan. Makikitang halos "magdugo" na ito dahil sa pulang tinta ng panulat na ginamit sa pag-edit.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Bloody hahahahaha"
"naproof read pa nga"
"Copyreading 101 really matters."
"Mas madugo pa to kaysa sa revision ng article ko dati"
"Sinusubok lang naman ng skwelahan kahit papanu mag upscale ang kalidad ng kanilang institusyon. Kahit barok ang grammar ng polisiya na yan mahalaga malinaw ang vision. Walang mali, masyado ka lang perfectionists sir. Go lang Univ of Cabuyao."
"The policy of the school is okay. There is clearly a need to enforce such a policy to practice what we are talking in the classroom. The english proficiency of Filipinos is getting low in the last 10 years as evident in international tests in English."
"Thanks po sa lantarang pagcorrect"
"Bloody yet satisfying proofreading. To put them in shame is the kind of joy I live for. Sir you just made them look like they're experiencing Dunning-Kruger effect."
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Leo, kasalukuyan siyang editor ng isang local broadsheet at nagtuturo din ng Journalism sa isang pamantasan. Matagal na rin siya sa larang ng pamamahayag, pag-eedit, at pagsulat.
Bilang isang editor at guro, hindi raw niya mapigilan ang sariling i-edit ang mga nakita niyang mga pagkakamali sa announcement.
Sinubukan ng Balita na makipag-ugnayan sa pamunuan ng pamantasan upang hingin ang panig nila tungkol sa isyu subalit wala pa silang tugon.