Parehong bumaba ang trust rating nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Base sa Stratbase-SWS January 2025 Pre-Election Survey na inilabas nitong Lunes, Pebrero 3, 99% ng mga Pilipino ang aware o nakakakilala kina Marcos at Duterte.
Sa 1,800 registered voters na nagsilbing respondents ng SWS nitong Enero, 50% daw ang lubos na nagtitiwala kay Marcos, 26% ang hindi gaanong nagtitiwala, habang 22% ang “undecided” o hindi nagbigay ng kanilang panig.
Dahil dito, nagkaroon ng net trust rating ang pangulo na +24, kung saan limang puntos na mas mababa ito kumpara sa nakuha niyang +29 noong Disyembre 2024.
Samantala, 49% naman daw ang labis na nagtitiwala kay Duterte, 30% ang hindi gaanong nagtitiwala, at 20% ang “undecided” sa bagong survey ng SWS.
Nakatanggap ang bise presidente +19 na net trust rating nitong Enero, apat na puntos na mas mababa kumpara sa +23 na natanggap niya noong Disyembre ng nakaraang taon.
Isinagawa raw ang survey mula Enero 17 hanggang 20, 2025 sa pamamagitan ng face-to-face interviews.