Inalala ng isa sa mga miyembro ng F4 at co-star ng "Meteor Garden" na si Taiwanese singer-actor Ken Chu ang sumakabilang-buhay na si Barbie Hsu, na siyang gumanap sa iconic role na "Shan Cai."
Sa kaniyang Instagram stories, Lunes, Pebrero 3, nagbahagi si Ken ng isang plain black photo na maaaring tanda ng kaniyang pagluluksa sa pagpanaw ng co-star.
Sumunod naman, flinex niya ang throwback photo nilang lima kasama pa ang iba pang miyembro ng F4 na sina Jerry Yan (Dao Ming Xi), Vic Zhou (Hua Ze Lei), at Vanness Wu (Mei Zuo). Si Ken Chu naman ang gumanap bilang Xi Men.
Ikinabigla ng "Meteor Garden" fans ang balitang pagpanaw ng aktres, na kinumpirma sa media ng nakababatang kapatid ni Barbie na si Dee Hsu, Taiwanese TV host.
Ang dahilan daw ng pagkamatay ng aktres na sumikat nang husto dahil sa Meteor Garden, ay mga kumplikasyong dulot ng "influenza-related pneumonia."
MAKI-BALITA: 'Paalam, Shan Cai!' Ano nga ba ang ikinamatay ni Barbie Hsu?
Naulila ni Barbie ang kaniyang mister na South Korean singer na si DJ Koo Jun-yup, at dalawang anak na isang 10-year-old daughter at 8-year-old son mula sa ex-husband na si Wang Xiaofei.
Inalala naman ng mga avid fan ng Meteor Garden ang phenomenal na pagganap ni Barbie bilang Shan Cai na talaga namang pumatok hindi lamang sa mga Pinoy kundi sa iba pang panig ng bansa; sa katunayan nga ay nagkaroon ng iba't ibang bersyon ng Meteor Garden dahil sa sobrang hit nito.
MAKI-BALITA: BALITAnaw: Si Barbie Hsu at ang 'Meteor Garden fever'