Viral ang announcement ng isang pamantasan sa Cabuyao, Laguna patungkol sa kanilang implementasyon ng "English Only Policy" sa lahat ng transaksyon sa loob ng kanilang paaralan, sa pasalita o pasulat mang paraan ng komunikasyon.
Mababasa sa opisyal na Facebook page ng pamantasan ang nabanggit na anunsyo.
"To uphold academic excellence and global competitiveness, Pamantasan ng Cabuyao (University of Cabuyao) will enforce the ENGLISH ONLY POLICY starting February 3, 2025," mababasa sa caption ng Facebook post.
"Effective on this date, all official transactions, classes, and interactions within the university must be conducted exclusively in English, both in written and spoken communication. This policy applies to students, faculty, staff, and all university personnel to cultivate a strong English-speaking environment."
"We encourage everyone to fully support this initiative as we strive to produce globally competent graduates."
"Strict compliance is required."
"Thank you for your cooperation."
Samantala, sa mismong art card naman, mababasang isinusulong ang nabanggit na polisiya para sa vision ng pamantasan na makapag-produce ng "globally competitive" at "world class students" kaya isa nang "English Speaking Campus" ito.
Makikita sa art card na ito ay mula sa OIC-President ng pamantasan na si Librado Dimaunahan.
Sa comment section, mababasa ang komento rito ni Jerry Gracio, dating komisyuner ng Komisyon sa Wikang Filipino, at isang manunulat.
"Eto na naman tayo, nakakapika kayo," aniya.
Mababasa ring nagkomento riot ang propesor-manunulat na si Ferdinand Pisigan Jarin.
"Meron pa rin talagang academics na naniwala sa mito na may superior na wika. Mga atrasado ang mind-set. Saka unconstitutional ito. Pakyu. Ayan, tunog-Ingles 'yan, ha," aniya.
Narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens na pawang hindi nagustuhan ang ganitong polisiya.
"Bakit paurong itong pamantasan na ito? HAAHHAAHAH."
"Pakibago na rin po ang letterhead ninyo, wag na po kayo mahiya tanggalin na ninyo ang salitang Pamantasan ng Cabuyao para konsistent nasa ilalalim po ksi yung English. Kapag nagbaba po kayo ng language policy dapat pangatawanan ninyo. Di po ba?"
"Bakit ang UP hindi naman sila EOP pero globally competitive and world class ang students. Nakakalungkot."
"Bilang estudyanteng nagpapakadalubhasa sa Asignaturang Filipino—Hindi nakaka-global competetive kung sa sarili nating wika hirap nang intindihin ng mga mag-aaral kung ano ang sinasabi nila gamit ang wikang kinagisnan at nakasanayan. Pag-igihan muna sana natin ang paghasa sa mga mag-aaral at bawat kabataan na matutuhang maintindihan ang wikang filipino para sa gano'n ay maging malinaw ang komunikasyon sa bawat isa."
"How does speaking 'English' makes you a globally competent person? Japan and other 'globally competent nations' were able to propel their economies kahit na hindi English ang gamit.. Kindly 'rethink' your policy dear educators/administrators."
"Unahin na solusyunan ang mga isyu sa loob ng Pamantasan, imbis magkaroon ng utak-kolonyal na mga polisiya na hindi naman lubhang makakatulong sa progreso at kapakanan ng mga Dangal ng Bayan."
Sa kabilang banda, may mga nagtanggol din naman sa nabanggit na polisiya.
"Well, aminin natin kelangan talaga ang English lalo na sa pakikipag-usap sa ibang bansa."
"Huwag niu n po i-bash.. Kahit po si Jose Rizal nag-aral ng ibang wika. Sapagkat alam niya ang kahalagahan nito.... Peace."
"Congratulations for this initiative. English is a global language for business and commerce."
"Those are goods, when you graduate, you can immediately go to the call center industry."
"Okay lang yan mga ka dangal ng bayan kasi magagamit nyo din to in near future lalo ung mga need ng ielts, oet, etch magandang pundasyon yan guysss. Obey before you complain mga kapatid."
"Na papa thankyou later kayo sa pnc guys kasi merong ganitong policy sa campus na pinang galingan nyo promise!!!!"
Umabot na sa 5.2k reactions, 2.3k shares, at 564 comments ang nabanggit na post.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang pamunuan ng pamantasan kaugnay sa isyu. Bukas ang Balita sa kanilang panig.