Iginiit ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chair at senatorial aspirant Danilo “Ka Daning” Ramos na tunay na reporma sa lupa ang sagot para masolusyunan ang lumalalang inflation sa Pilipinas.
Sa ginanap na “Tanong ng Bayan: The GMA Senatorial Face-Off 2025” nitong Sabado ng gabi, Pebrero 2, tinanong ang senatorial candidates kung ano ang sa tingin nilang sanhi ng pag-arangkada ng mga presyo ng bilihin sa nakalipas na panahon, at kung ano raw ang solusyon sa epekto ng inflation.
Ayon kay Ramos, ang mga patakaran umano ng gobyerno ang nagsisilbing ugat kung bakit mabilis ang inflation sa bansa.
“Una po, polisiya at patakaran ng gobyerno… Sa totoo lang, dahil sa kaniyang ginagawa, ang gobyerno mismo ang ugat ng implasyon.”
“Ano ang solusyon? Una po, tunay na reporma sa lupa,” ani Ramos, na tinutukoy ang reporma may layuning libreng ipamahagi ang lupa sa mga nagbubungkal nito. “Palawakin ang tinatamnan ng palay. Hindi subdivision, hindi mall.”
“Pangalawa, government subsidy para sa magsasaka at palawakin ang papel ng gobyerno. Hindi importasyon kundi lokal na produksyon ng pagkain ang palakasin,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ng tagapangulo ng samahan ng mga magsasaka na mahalagang mabuwag ang kartel dahil ito umano ang isang may dahilan kung bakit mataas ang presyo ng mga pagkain.
“Kaya po ang kailangan ay solusyon. At ayun po ang inaalok namin: subsidy sa mga magsasaka. Palakasin ang lokal na produksyon, hindi importasyon. at ibasura ang Rice Liberalization Law,” saad ni Ramos.
Isa si Ramos sa senatorial candidates ng Makabayan Coalition.