Sang-ayon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa inihaing panukalang batas kamakailan na naglalayong i-firing squad ang mga mapapatunayang tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Sa ginanap na “Tanong ng Bayan: The GMA Senatorial Face-Off 2025” nitong Sabado ng gabi, Pebrero 2, tinanong ang senatorial candidates ng “yes” or “no” kung pabor sila sa panukalang batas ni Zamboanga 1st district Rep. Khymer Adas Olaso na House Bill No. 11211 o Death Penalty for Corruption Act na layong i-firing squad ang opisyal ng gobyernong mahahatulan ng kasong katiwalian.
“Yes” ang placard na itinaas ni Dela Rosa habang nakangiti, na nagpapakitang pabor siya sa naturang panukala.
Kasama ni Dela Rosa sa mga sumang-ayon ang kapwa-senatorial candidates niyang sina retired Marine Colonel Ariel Querubin at Atty. Ernesto Arellano.
Samantala, sumagot ng “no” sa naturang face-off ang senatorial candidates na sina Valenzuela City Rep. Eric Martinez, dating Bayan Rep. Teddy Casiño, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chair Danilo Ramos, dating Commission on Audit (COA) commissioner Heidi Mendoza, Atty. Luke Espiritu, Ka Leody de Guzman, ACT Teachers Rep. France Castro, Atty. Vic Rodriguez, at ang singer at abogadong Jimmy Bondoc.
Matatandaang kamakailan lamang ay iginiit ni Olaso na inihain niya ang House Bill No. 11211 dahil bagama't marami raw batas para maiwasan at papanagutin ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan, hindi pa rin ito nawawala at nalulunasan.
MAKI-BALITA: 'Walang matitira, ubos sila!' Netizens napa-react na i-firing squad mga korap
MAKI-BALITA: Kilalanin ang mambabatas na nasa likod ng 'Death Penalty for Corruption Act'
Kaugnay nito, iginiit ni Manila 3rd district Rep. Joel Chua kamakailan na tutol siya sa panukalang batas dahil nakapaloob sa Konstitusyon na bawal magpasa ng mga batas na “inhuman at cruel punishment.”
MAKI-BALITA: ‘Inhuman, cruel!’ Rep. Chua, tutol sa panukalang ifa-firing squad mga korap na gov’t official
MAKI-BALITA: Chua kay Olaso hinggil sa Death Penalty for Corruption Act: ‘Gusto lang makakuha ng boto’