Nababahala umano ang kampo ni Mary Jane Veloso dahil sa umano’y pinag-iinitan daw siya sa Women’s Correctional.
Noong Disyembre 18 nang muling makabalik ng bansa si Veloso matapos ang halos 14 taong pagkakakulong sa Indonesia at nasentensyahan ng bitay dahil sa iligal na droga.
KAUGNAY NA BALITA: Mary Jane Veloso, may hiling matapos makabalik ng bansa: 'Gusto ko na makalaya ako'
Ayon sa ulat ng Frontline Pilipinas kamakailan, mismong si Veloso raw ang nagsabi sa kaniyang pamilya na tila pinag-iinitan siya ng ilang mga inmate na kasama niya sa selda.
"Mukhang pinag-iinitan daw siya ng mga ka-cellmate niya. Kasi dati solo, solo na cell siya, ngayon she was transferred sa isang malaking cell. Marami siyang kasama doon sa cell,” ani Josefina Pingkihan Deputy Secretary General, Migrante sa panayam sa Frontline Pilipinas.
Bunsod nito, muling nakiusap ang pamilya ni Veloso kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na tuluyan na itong palayain.
"Mr. President, palayain n’yo na po yung kapatid ko. Binigay naman na po ng Indonesian government sa mga kamay n’yo ang desisyon. Sana po pakawalan n’yo na po ang kapatid ko. Parang awa n’yo na po," anang kapatid ni Mary Jane.
Mas nag-alala rin umano ang pamilya Veloso sa seguridad ni Mary Jane kaysa sa magiging lagay ng kaniyang kalusugan sa kulungan.
"Nag-aalala po talaga kami sa kaniya, sa buhay niya. Hindi po sa kalusugan niya, sa buhay niya, saad ng kapatid ni Mary Jane.
Matatandaang nauna nang igiit ni PBBM na kinakailangan pa umano nang masusing pag-aaral ang magiging desisyon ng pamahalaan sa kaso ni Mary Jane.