Tahasang iginiit ni senatorial aspirant Leody De Guzman na wala raw umanong napala ang mga Pilipino sa naging administrasyon nina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at Cory Aquino.
Sa isinagawang Senatorial Face-Off ng GMA Network na “Tanong ng Bayan: The GMA Senatorial Face-Off 2025," na ineere noong Sabado, Pebrero 1, 2025, iginiit ni De Guzman na maninindigan umano siya sa kaniyang iginigiit hinggil sa naging panunungkulan ng unang dalawang babaeng pangulo ng Pilipinas.
"Naninindigan pa rin ako sa aking sinabi dahil ang sitwasyon ng mga manggagawa at ng ating mga mamamayan sa kasalukuyan ang patunay na walang napala ang mga mamamayan sa panahon na nagpalit-palit ang gobyerno lalo na sa panahon ni Cory Aquino,” ani De Guzman.
Matatandaang nauna nang igiit ni De Guzman sa kaniyang social media account na ayaw na umano niyang maulit ang sinapit ng mga Pilipino noong mapatalsik sina dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. at Joseph Estrada, kung saan pinalitan sila nina Aquino at Arroyo, sa magkahiwalay na EDSA People Power.
“Ayaw ko nang maulit ang masamang karanasan ng pagsuporta ng taong bayan kay Cory laban kay Marcos at kay Gloria laban naman kay Erap. Walang napala ang taong bayan. Nagpatuloy lang mga kahirapan at kaapihan ng mamamayan,” saad ni De Guzman.
Bagama’y naniniwala pa rin umano si De Guzman sa nangyaring EDSA People Power, giit niya, ang mga pangako umano nito ang hindi na raw naramdaman pa ng mga Pilipino.
“Tama ‘yang People Power, dahil napatunayan ng mga manggagawa na kapag nagkaisa ang mga Pilipino, kahit ang pinaka-diktador na presidente sa ating bansa ay kayang patalsikin. Ang problem lang ang mga pangako noong EDSA ay hindi naganap,” giit ni De Guzman.