Nagbigay ng posisyon si labor leader at senatorial candidate Leody De Guzman hinggil sa hindi pagkilala ng China sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa ginanap na “Tanong ng Bayan: The GMA Senatorial Face-Off 2025” noong Sabado, Pebrero 1, iginiit ni De Guzman ang karapatan ng Pilipinas sa naturang teritoryo ngunit kailangan umanong maging mahinahon.
Aniya, “Dapat natin talagang i-claim ‘yong ating teritoryo dito sa West Philippine Sea laban sa pangangamkam ng China. Pero dapat maging mahinahon tayo dahil sa impluwensiya ng Amerika; ‘yong impluwensiya ng Amerika sa isyung ‘yan.”
“Dahil baka ang mangyari,” pagpapatuloy ni De Guzman, “sa halip na maisulong natin ‘yong ating interes, ang interes ng Amerika ang mangibabaw at gamitin tayong pawn sa kaniyang giyera laban sa China.”
Samantala, sinang-ayunan naman ito ng kapuwa senatorial candidate ni De Guzman na si Retired Colonel Ariel Querubin.
“Atin ang West Philippine Sea at dapat ipaglaban natin dahil karapatan natin na mag-explore, exploit, at harness sa resources ng West Philippine Sea, wika niya.
Matatandaang ayon sa unanimous Arbitral Tribunal noong 2016 sa ilalim ng 1982 Law of the Sea Convention ay labag umano sa international law ang 9-dash line na inaangkin ng China sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.