Isang 25-anyos na babaeng piloto ang namatay sa napaulat na pagbagsak ng isang helicopter sa Guimba, Nueva Ecija, noong Sabado ng hapon.
Ayon sa panayam ng Super Radyo dzBB kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio, Linggo, Pebrero 2, kinumpirma umano ng Philippine National Police (PNP) Guimba Police Station na bumagsak sa kanilang bayan ang aircraft, at iisa lamang ang sakay nito, at ito nga ang lady pilot na hindi naka-survive.
"Na-retrieve immediately. Tinulungan ng mga kababayan natin doon. Sa kasamaang palad, hindi siya nag-survive," aniya.
Batay pa sa CAAP, ang bumagsak na Robinson helicopter na may registration number RP-C 4324, ay umalis sa Maynila bandang 10:22 ng umaga noong Sabado, Pebrero at lumipad patungong Baguio upang maglapag ng isang pasaherong hindi na tinukoy kung sino.
Sa iba pang ulat, pinangalanan ang nasawing piloto na si Julia Flori Po.
Umalis siya sa Baguio bandang 11:51 ng umaga at lumapag sa Binalonan, Pangasinan bandang 12:05 ng tanghali para mag-refuel.
Ngunit hindi raw agad umandar ang helicopter matapos ang pagpapa-refuel. Nakalipad ulit ang helicopter bandang 4:30 ng hapon.
Bandang 5:20 ng hapon nang iulat daw ng isang concerned citizen Guimba Police Station na may nag-crash ng helicopter sa Brgy. San Miguel, sa isang swamp area.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa naglalabas ang mga awtoridad ng detalye sa dahilan ng helicopter crash.
Ito ay isang developing story.