Nilinaw ni ACT Teachers Representative France Castro na hindi siya miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP) bagama’t inaamin niyang kaliwa ang kaniyang politikal na paniniwala.
Sa isinagawang “Tanong ng Bayan: The GMA Senatorial Face-Off 2025” noong Sabado, Pebrero 1, sinabi ni Castro na ipinagmamalaki raw niyang isa siyang left.
“Mula no’ng estudyante ako ay aktibista rin ako katulad ni [former Bayan Muna] Congressman Teddy Casiño. Pinaglalaban natin ang tunay na pagbabago sa edukasyon, sa sistema ng edukasyon, at sa sistema ng ating pamahalaan. Pero hindi as member ng CPP-NPA [National People’s Army], or whatever,” saad ni Castro.
“Parati na lang ‘yan,” pagpapatuloy niya, “kung ikaw ay nagsasalita ng against sa posisyon ng gobyerno, ay itinuturing kang Red [communist] o itinuturing kang kaliwa. So, parang nakasanayan ko na rin ‘yan.”
Dagdag pa niya, “Kaya ako, patuloy ‘yong ating ginagawa [sa Kongreso], lalong-lalo na doon sa pagsasabatas ng mga kinakailangan ng ating mga guro sa education sector at sa mga issue rin ng mamamayan. Iyang mga issue na 'yan, kinasanayan ko na 'yan, at ako ay proud left."
Samantala, sa isang bahagi naman ng debate, inungkat ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang kasong isinampa kay Castro dahil umano sa paglabag nito sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.
Ngunit nanindigan ni Castro na tama umano ang ginawa niyang pagsagip sa mga guro at bata mula sa harassment, intimidation, at threat na naranasan ng mga ito sa Lumad schools.
MAKI-BALITA: Dela Rosa kay Castro: ‘Gigil na gigil kang kasuhan kami. Kumusta kaso mo sa child trafficking?’