Sinabi ng dating senador at tumatakbong mayor sa Caloocan City na si Antonio "Sonny" Trillanes IV na wala pa raw siyang nakitang rally na "pro-Sara" na lumagpas sa 3,000 katao ang dumalo, sa National Capital Region o NCR.
Sa kaniyang X posts noong Biyernes, Enero 31, pinasalamatan ni Trillanes ang lahat ng mga lumahok sa naganap na rally para ipanawagan ang pag-impeach kay Vice President Sara Duterte sa People Power Monument sa EDSA, Quezon City.
Ibinida ni Trillanes na umabot daw sa tinatayang 40,000 katao ang sumali sa kanilang rally para maisulong ang impeachment kay VP Sara.
"Maraming salamat po sa lahat ng mga dumalo sa ating IMPEACH SARA rally kaninang umaga. We reached an estimated crowd size of 40k. Mas lalakihan pa natin sa susunod hanggang sa marinig tayo ng Kongreso para itransmit na ang impeachment sa Senado," aniya.
Sa kaniya namang X post, Sabado, Pebrero 1, sinabi ni Trillanes na wala pa raw siyang nakikitang pro-Sara rally na umabot sa lagpas 3k katao ang dumalo sa NCR.
"Wala pa kong nakita na pro-Sara rally na lumagpas ng 3k dito sa NCR. Hindi pwede ibilang ang INC rally kasi sabi nila ito ay in support kay PBBM."
Kaya saad ni Trillanes, "Kaya maliwanag ang pulso ng taong bayan na ituloy ang IMPEACHMENT NI SARA!!!"
Matatandaang noong Enero 27, tila hindi na raw itutulak ng majority bloc sa House of Representatives ang impeachment laban kay Duterte sa mga huling araw ng 19th Congress dahil sa kakulangan umano ng oras.
Ito ay matapos ang mga pahayag nina Surigao del Sur 2nd district Rep. Johnny Pimentel at La Union 1st district Rep. Paolo Ortega V.
Noong Disyembre 2024 nang ihain ang lahat ng tatlong impeachment complaints laban kay Duterte. Kasama sa mga ground na binanggit ang umano'y maling paggamit ng kaniyang mga tanggapan ng ₱612.5 milyong halaga ng confidential funds.