Umaasa umano si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na magiging patas ito sa darating na 2025 National and Local Elections (NLE).
Sa kaniyang talumpati para sa national coordination meeting ng PDP Laban kamakailan, iginiit ng dating pangulo na hindi umano abusado at hindi rin masama si PBBM.
"The president is not really sabihin mo abusado. It would not be a fair comment. Hindi naman talaga masamang tao si Presidente Marcos,” ani FPRRD.
Kaya naman nilinaw rin ni Duterte sa kaniyang mga kaalyado na wala raw silang dapat katakutan.
“But I seldom mention the names of the other side of the fence, but ito, there’s no reason for us to be scared of oppression, kasi wala naman akong nakikita diyan,” giit ng dating pangulo.
Samantala, kaugnay nito, iginiit din ni Duterte na umaasa raw siya na mabibigyan umano sila ng pagkakataon at magiging patas si Marcos sa naturang eleksyon sa Mayo.
“So this coming election, I hope that the president, kung maririnig niya ako, bigyan nila tayo ng sabi ko nga a fair share na patas lang ang laban,” saad ng dating pangulo.
Matatandaang noong Setyembre 2024 nang ihayag ng nasabing partido na muli nilang ieendorso sa kanilang opisyal na senatorial slate sina Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at Sen. Bong Go bilang mga re-electionist. Kasama rin sa kanilang lineup ang action star na si Philip Salvador at singer-abogado na si Jimmy Bondoc.