Naghayag ng reaksiyon si senatorial aspirant at labor leader Atty. Luke Espiritu kaugnay sa inaprubahang ₱200 na dagdag-sahod ng Kamara para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa noong Huwebes, Enero 30.
Sa latest Facebook post ni Espiritu nitong Sabado, Pebrero 1, sinabi niyang tinatanggap daw nila ang anomang hakbang para maisabatas ang isang pambansang dagdag-sahod.
“Wine-welcome namin ang anumang hakbang para maisabatas nang tuluyan ang isang pambansang dagdag-sahod upang kahit papaano magkaroon ng pag-agapay sa sumisirit na presyo ng bilihin na hindi masolusyonan ng Gobyernong Marcos,” saad ni Espiritu.
Ngunit kasunod nito ay ipinaalala ni Espiritu na nasa committee level pa lang umano ang panukalang wage increase at ipapadala pa lang sa plenaryo ng Kongreso.
Aniya, “Kahit sabihin nating makapasa ito sa Kongreso, dadaan ito sa Bicam kasama ng Senado, at kahit makapasa ito sa Bicam, na kay Marcos ang pinal na desisyon kung ipapasá ito o ivi-veto.”
“Kahit sabihing naisabatas nang tuluyan ang P200 na taas sahod, kapos na kapos pa rin ito lalo na't napakabilis sumirit ang presyo ng mga bilihin,” dugtong pa niya sa isang bahagi ng pahayag.
Kaya naman hangga’t nakakamatay umano ang mababang sahod sa bansa, ipagpapatuloy nila ang laban para sa nakakabuhay na sweldo.
Matatandaang bukod kay Espiritu ay ibinahagi rin ng isa pang labor leader at senatorial aspirant na si Jerome Adonis ang reaksiyon nito hinggil sa inaprubahang ₱200 na dagdag-sahod ng Kamara.
MAKI-BALITA: Senatorial aspirant Jerome Adonis sa ₱200 na dagdag-sahod: 'Kulang pa 'yan!'