Nais umanong pag-aralan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga naglipang election survey results kaugnay ng papalapit na National and Local Elections (NLE) sa Mayo.
Sa panayam ng media kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia kamakailan, iginiit niyang pag-aaralan umano ng komisyon ang resulta ng naturang mga election survey at kung sino raw ang posibleng mga nagbayad sa mga ito.
"Pinag-aaralan na ng legal team natin kung ano ang gagawin sa mga survey na naglipana," aniya.
Sa kabila nito, nilinaw din ng Comelec na hindi umano nila minamasama ang mga election survey.
"Hindi kami against sa surveys. Ang tanong, tunay ba yung mga results? Sino ang nagbayad? Magkano?"
Dagdag pa ni Garcia, "Dapat maisama ito sa SOCE (Statement of Contributions and Expenditures). 'Wag nila sabihin na loophole yun dahil kung may gagastusin ang partido at politiko, kailangan maisama 'yan.”
Samantala, inaasahang mailalabas ng Comelec ang kanilang naisapinal na polisiya hinggil sa election surveys, bago umano magsimula ang campaign period sa Pebrero 11, 2025.