February 02, 2025

Home BALITA Politics

Dela Rosa kay Castro: ‘Gigil na gigil kang kasuhan kami. Kumusta kaso mo sa child trafficking?’

Dela Rosa kay Castro: ‘Gigil na gigil kang kasuhan kami. Kumusta kaso mo sa child trafficking?’
screenshot: GMA Network/YouTube

Tila naungkat ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang umano’y kasong child abuse ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro nang sagutin nila ang tanong hinggil sa pagsasampa ng kaso kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ginanap na  “Tanong ng Bayan: The GMA Senatorial Face-Off 2025 “nitong Sabado ng gabi, Pebrero 1, natanong sa kanila kung “dapat bang sampahan ng kaso si Dating Pangulong Rodrigo Duterte” dahil sa di umano’y crimes against humanity kaugnay sa drug war nito.

Para kay Castro, long overdue na raw ang pagsasampa ng kaso kay Duterte. 

“Libo-libo ang pinapatay ni Duterte pero wala pang napapanagot kaya kailangan talaga ng hustisya ng ating mamamayan,” aniya.

Politics

Luke Espiritu sa pagsugpo sa droga: 'Ayan ay tokhang mentality ni Duterte'

Para naman kay Dela Rosa, conditional daw ang pagsasampa ng kaso sa dating pangulo.

“Ang sagot ko d’yan ay conditional. Hybrid. Puwedeng yes, puwedeng no. Yes, in the sense na nobody’s above the law. Kapag meron siyang nagawang kasalanan, kasuhan natin. Pero kung wala naman siyang nagawang kasalanan, huwag mo siyang kasuhan base doon sa kaso ng ibang tao because guilt is personal. Huwag po natin ipaangkin kay dating Pangulong Duterte ang kasalanan ng Ninja Cops,” anang senador.

Nang hingan ng reaksyon sa sagot ni Dela Rosa, nabanggit ni Castro na dapat ding kasuhan ang senador. 

“Mismong siya, si President Duterte, umamin na pumatay siya ng tao kaya kailangan siyang kasuhan. At ito, sino ba yung nagdisenyo ng mga policy na ito? Siya rin, at nag-cause ng pagpatay. Maging si Senador Bato ay dapat kasuhan,” reaksyon ni Castro.

Rebat ni Dela Rosa, “Ma’am, gigil na gigil kang kasuhan si Pangulong Duterte at ako ng mga kaso na hindi mo kami malilink, kumusta na po yung conviction mo sa kasong child trafficking? Ano na pong nangyari? Bakit nandyan ka pa, hindi ka pa nakulong?” 

Ayon sa GMA News, noong 2018 nang kasuhan si Castro at labimpitong iba pa kaugnay sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at sila ay pinayagang magpiyansa. 

At noong Hulyo 2024, hinatulang “guilty” ng Tagum City Regional Trial Court Branch 2 si Castro at 12 iba pa dahil sa paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanila noong 2018.

BASAHIN: Rep. Castro, Ex-Rep. Ocampo at iba pa, hinatulang guilty ng 'child abuse'

Sagot naman ni Castro sa sinabi ni Dela Rosa, “Kung ito po ay nasa Kongreso ay out of order po dahil wala sa tanong. Tama po ang ginawa kong pagre-rescue sa mga teachers, sa mga bata ng harassment, intimidation, at threat doon sa sinasabi ni Senator Bato na kaso. So, kung sinumang mga teachers gagawin ‘yon—yung ipagtanggol at sagipin ang ating mga teachers at estudyante. Tingin ko po walang mali doon sa ginawa natin.”