Nagpahayag ng pagluluksa ang Liberal Party (LP) sa pagpanaw ng pangulo ng partido na si Albay 1st district Representative Edcel Lagman nitong Huwebes, Enero 30.
Sa isang pahayag, binanggit ng LP ang naging kontribusyon ni Lagman sa kaniyang karera bilang isang abogado at mambabatas.
“Sa kanyang mahabang karera bilang abogado ng karapatang pantao at mambabatas, walang kapaguran niyang ipinaglaban ang mga biktima ng pang-aabuso, ang kalusugan at kapakanan ng kababaihan, kabataan at LGBT, at ang tapat at mahusay na pamamahala,” anang LP.
“Sa kanyang pagkawala, nabawasan ng isang matalas, masipag, at matapang na lingkod-bayan ang Pilipinas.”
Binanggit din ng LP na inahon ng “paggabay at pagmamahal” ni Lagman ang partido sa “panahon ng matitinding pagsubok at mapapait na kabiguan.”
“Lagi naming hahanap-hanapin ang malalim at buong-buo niyang boses na nagpalinaw sa mga komplikadong usapin, nagpaalala sa aming mga tinitindigang prinsipyo, at nagpagaan sa aming mga propesyonal at personal na suliranin,” saad ng LP.
“Maraming-maraming salamat, at paalam, Manong Edcel. Mananatili kang tanglaw sa laban para sa mas maunlad, mas malaya, at mas makatarungang Pilipinas,” dagdag pa nito.
Nitong Huwebes ng gabi nang ianunsyo ng anak ni Lagman na si Tabaco City Mayor Krisel Lagman ang pagpanaw ng kongresista sa edad na 82 dahil daw sa cardiac arrest.