Sinabi ni Manila 3rd district Rep. Joel Chua na “gusto lamang makakuha ng boto” ni Zamboanga 1st district Rep. Khymer Adas Olaso nang ihain daw nito ang panukalang batas na naglalayong i-firing squad ang mga korap na opisyal ng gobyerno, na tinawag niyang marahas at labag sa Saligang Batas.
Sinabi ito ni Chua nang tanungin ng Balita ang kaniyang panig sa House Bill No. 11211 o Death Penalty for Corruption Act sa gitna ng isinagawang Machra's Balitaan sa Harbor View nitong Martes, Enero 28.
Ani Chua, tutol siya sa panukalang batas ni Olaso dahil nakapaloob sa Konstitusyon na bawal magpasa ng mga batas na “inhuman at cruel punishment.”
MAKI-BALITA: ‘Inhuman, cruel!’ Rep. Chua, tutol sa panukalang ifa-firing squad mga korap na gov’t official
Binanggit din ng Manila solon na mga politikong gusto lamang umanong makakuha ng boto sa eleksyon ang maglalabas ng nasabing mga klase ng panukala at pahayag.
“I understand na yung mga statement na ito ay statement ng mga politiko na gusto lamang makakuha ng mga boto, gustong mapansin ng tao. Syempre panahon ngayon ng kampanya, kaya ‘yan sinasabi,” aniya.
Pinayuhan din ni Chua ang kapwa niya mambabatas na basahin muna umano ang Saligang Batas bago maghain ng bagong batas sa Kamara.
“Siguro mas maganda kung pag-aralan niya muna yung kaniyang sina-suggest, dahil nagsa-suggest ka ng labag sa Konstitusyon eh, ‘di po ba?” ani Chua.
“So siguro mas magandang basahin niya muna yung Konstitusyon o yung Saligang Batas bago siya mag-suggest ng isang batas,” dagdag pa niya.
Matatandaang kamakailan lamang nang ihain ni Olaso ang House Bill No. 11211 o Death Penalty for Corruption Act na may layuning panagutin ang lahat ng mga mapatutunayang korap na opisyal ng pamahalaan sa pamamagitan ng firing squad.
Paliwanag ni Olaso, bagama't marami raw batas para maiwasan at papanagutin ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan, hindi pa rin ito nawawala at nalulunasan.
MAKI-BALITA: 'Walang matitira, ubos sila!' Netizens napa-react na i-firing squad mga korap
MAKI-BALITA: Kilalanin ang mambabatas na nasa likod ng 'Death Penalty for Corruption Act'