Nailigtas ang anim na biktima ng human trafficking, ayon sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Sa isang pahayag nitong Lunes, Enero 27, kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Nicholas Ty ang matagumppay na pag-rescue sa anim na biktima ng human trafficking.
“Patunay ito na napapaigting ng Bureau of Immigration ang pagbabantay sa mga paliparan kaya naghahanap ng ibang ruta ang mga traffickers para magpuslit ng mga biktima palabas ng bansa. Matagal na rin naming pinag-aaralan at binabantayan ang ruta sa Palawan at Zamboanga. Malaking bagay ang koordinasyon at pagtutulungan ng bawat unit ng pamahalaan at task forces upang mailigtas ang ating mga kababayan mula sa mas matinding kapahamakan,” saad ni Ty.
Ayon pa sa pahayag ng IACAT, nakatakda raw sana ipuslit ng mga human traffickers ang anim na biktima palabas ng bansa patungong Malaysia noong Enero 22. Hindi ito natuloy dahil sa isinagawang operasyon ng Ninoy Aquino International Airport Task Force Against Trafficking (NAIATFAT) at Palawan and Puerto Princesa City Anti-Trafficking Task Force (PPATTF), at mga task forces na itinatag sa ilalim ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang NAIATFAT ng intelligence tip mula sa Bureau of Immigration (BI) noong Enero 15 tungkol sa pagpupuslit ng anim na biktima palabas ng bansa gamit ang rutang NAIA-Palawan-Zamboanga-Malaysia-Cambodia para magtrabaho sa isang Scam Hub.
Sa inisyal na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation Puerto Prinsesa District Office (NBI-PUERDO), napag-alamang inalok ang mga biktima gamit ang Telegram ng trabaho sa Thailand at pinangakuan ng mataas na sweldo.
Samantala, nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng NBI habang pinoproseso ang kaukulang tulong pinansyal para sa mga biktima.