Inihayag ni Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel ang kaniya umanong pagkabahala hinggil sa paglaganap ng adult-content website na “Pornhub” sa kabataan.
Sa isinagawang briefing ng House Committee on Basic Education and Culture kaugnay ng kontrobersyal na Comprehensive Sexuality Education (CSE) tahasang iginiit ng mambabatas ang epekto raw ng patuloy na paglaganap ng pornnographic websites.
"Kasi, I'm very alarmed, no? Na well ngayon hindi tayo top one, pero in terms of the usage of Pornhub sa bansa, Mr. Chair, ang Pilipinas, number two siya as of 2024 sa buwan ng December," saad ni Manuel.
Malaki umano ang pangamba ni Manuel na makaapekto raw ito sa pag-iisip ng kabataan higit lalo na raw sa konsepto ng pakikipagrelasyon.
"As a youth representative, syempre naalarma tayo na kung ganito pala kalaganap ang paggamit ng pornography or pag-view ng ganoong mga tipo ng content sa ating bansa ay puwedeng maging paraan ito para ma-mislead yung ating mga kabataan sa paano yung tamang pakikipag-relasyon," anang mambabatas.
Kaugnay nito, muling iginiit ni Manuel ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sistematikong gabay para sa kabataan.
"Mas mainam na mayroon tayong systematic na pamamaraan paano talaga maituturo... yung ating mga kabataan, paanO sila matuturuan ng tama," giit ni Manuel.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, nasa ika-16 na puwesto ang Canadian-owned company na Pornhub sa “most visited website in the world” noong Agosto 2024.