Tinatayang nasa 18 pamilya ang naapektuhan ng sumiklab na sunog na dulot umano ng pagtatalo ng mag-jowa sa Katipunan Avenue, Brgy. Old Balara, Quezon City noong Linggo, Enero 26, 2025.
Ayon sa ulat ng News5, ilang residente umano ang nagsabing nagkaroon daw ng pagtatalo sa bahay ng nasabing mag-live in partner bago tuluyang kumalat ang apoy na tumupok sa apat na bahay.
Itinanggi umano ng 19 taong gulang na babae ang naturang mga alegasyon ng kanilang mga kapitbahay bagama’t inamin daw nito na may nakalimutan siyang kandila.
Batay pa umano sa naging salaysay ng naturang dalaga, naiwan at nalimutan niya raw ang kandilang sinindihan niya para sa kaniyang yumaong ina. Laking gulat na lamang daw niya na malakas na ang apoy.
“Hindi ko alam na nakasindi pa pala. Pagbaba ko, malakas na yung apoy tapos pinapatay ko, hindi ko na mapatay-patay," anang dalaga.
Samantala, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) hinggil sa nasabing sunog na tumagal ng tinatayang isang oras bago tuluyang naapula.