Ipinagdiinan ng singer, abogado, at tumatakbo sa pagkasenador na si Jimmy Bondoc na karapat-dapat siyang manalo sa pagkasenador dahil kagaya ng isang musika, hindi raw siya makapagsisinungaling at magsasabi lamang ng totoo.
Humarap si Bondoc kasama pa ang dalawang kapwa senatorial aspirants na sina Atty. Vic Rodriguez at Ret. Col. Ariel Querubin sa isinagawang "Sukatan 2025" ng SMNI News noong Sabado, Enero 25, para sa senatorial aspirants sa darating na national and local elections (NLE) sa Mayo.
Sinagot ni Bondoc ang ilan sa mga tanong sa kanila ng moderator hinggil sa ilang mahahalagang isyu at problema sa bansa, pagdating sa sektor ng ekonomiya, edukasyon, pamahalaan, entertainment, at iba pa.
Sa huli, hinimok ni Bondoc ang mga botante na karapat-dapat siyang ibotong senador. Inihalintulad pa niya ang sarili sa musika.
"Ako po ay karapat-dapat sa inyong boto dahil ako po ay musika. Katulad po ng lagi kong sinasabi sa aking mga talumpati, ang musika po ay napakaganda, dahil hindi ito makapagsinungaling," ani Bondoc.
"Maaaring magsinungaling ang mga letra ngunit ang himig nito, ang melodiya, ay hindi makakapagtago. Kapag maganda, maganda at kapag hindi, hindi."
"Ako po ay laging magsasabi sa inyo ng totoo. At ang totoo po ay ito: hindi po talaga mauubos ang problema ng bayan natin. At kailangan po natin ng diplomasya at disiplina sa senado. Kasi po, noong araw, ang mga problema natin ay ang problema lamang, ngayon ang problema natin ang mga mambabatas natin ay araw-araw nagbabangayan, at sinisira na ang araw-araw nating kapayapaan ng puso, isip, at diwa..." anang Jimmy.
Hikayat pa niya, kailangan daw ng taumbayan ng mga taong tatalakay sa mga problema gamit ang isip at puso sa mahinahong pagtalakay, sa pamamagitan ng diplomasya.
Isa pa raw ay ang disiplina ng mismong mambabatas sa pagsunod sa mga batas. Layon daw ni Bondoc na ibalik ang pagiging maginoo, magalang, at maka-Diyos sa senado.
KAUGNAY NA BALITA: Jimmy Bondoc nagpaliwanag bakit tumakbong senador, hindi party-list rep