Tila hindi na itutulak ng majority bloc sa House of Representatives ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa mga huling araw ng 19th Congress dahil sa kakulangan ng oras.
Ito ay matapos ang mga pahayag nina Surigao del Sur 2nd district Rep. Johnny Pimentel at La Union 1st district Rep. Paolo Ortega V nitong Lunes, Enero 27.
"I believe there is no more material time to deliberate on the impeachment of the Vice President," ani Pimentel.
"We only have five session days left before we go on recess and take the campaign trail," ayon pa sa assistant minority leader of the powerful Commission on Appointments (CA).
Ang limang araw ng sesyon na tinutukoy ni Pimentel ay nitong Lunes at bukas ng Martes, Enero 28. Magdaraos pa ang Kamara ng tatlong sesyon sa plenaryo sa susunod na linggo, mula Pebrero 3 hanggang 5, bago mag-recess.
Magsisimula ang campaign period para sa national election candidates sa Pebrero 11, habang sa Marso 28 naman ang para sa local elections. Magaganap ang mid-term polls sa Mayo 12.
Ani Ortega, habang ang karamihan sa mga kongresista ay hindi "malamig" sa impeachment, ang isyu sa oras ay tila gumagawa ng desisyon para sa kanila.
"Well hindi naman siguro malamig, pero parang hindi pa siya napag-uusapan...dahil nga sa time element, medyo hindi pa natin nakikita na angkop siya sa ngayon," anang deputy majority leader.
"But again...we still have two weeks. A lot can happen," dagdag niya.
Noong Disyembre 2024 nang ihain ang lahat ng tatlong impeachment complaints laban kay Duterte. Kasama sa mga ground na binanggit ang umano'y maling paggamit ng kaniyang mga tanggapan ng ₱612.5 milyong halaga ng confidential funds.
Hindi pa naipapadala ni House Secretary General Reginald Velasco ang mga impeachment raps sa tanggapan ng Speaker, habang hinihintay ang napapabalitang ikaapat na reklamo mula sa ilang majority solons mismo. Hindi malinaw kung kailan ito maisasampa, kung mayroon man.
Samantala, nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dating kaalyado ni Duterte, na “very poor” na ang timing para ituloy ang impeachment.
MAKI-BALITA: PBBM sa impeachment complaints vs VP Sara: 'The timing is very poor'
Ellson Quismorio