Binalaan ng Food and Drugs Authority (FDA) ang publiko na huwag bumili at gumamit ng ilang beauty products na ibinebenta ng social media personality, negosyante, at tumatakbong konsehal sa Maynila na si Rosemarie Tan-Pamulaklakin o "Rosmar Tan" dahil hindi raw ito rehistrado sa kanila.
Mababasa sa inilabas na FDA Advisory Nos. 2025-0028 at 2025-0029 na wala raw valid certificate of product notification (CPN) noon pang Disyembre 17, 2024 ang “Premium Niacinamide Soap” at “Mysterious Madre de Cacao Soap” ng Rosmar Skin Essentials.
Ipinaalala ng FDA sa publiko na maaari daw magkaroon ng epekto sa balat ang paggamit ng mga produktong ito, gaya ng iritasyon, allergic reactions, at sa mas malala, organ failure.
Ipinag-utos na raw ng FDA sa kanilang mga tanggapan sa iba't ibang rehiyon at regulatory enforcement units, kaagapay ang bawat lokal na pamahalaan at law enforcement agency na i-pull out ang mga produktong ito sa pamilihan.
Samantala, wala pang tugon o post si Rosmar tungkol sa isyu. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.