January 28, 2025

Home BALITA Metro

ALAMIN: Road closures sa Maynila ngayong Chinese New Year

ALAMIN: Road closures sa Maynila ngayong Chinese New Year
(Mark Balmores / MANILA BULLETIN file photo)

Ilang kalsada sa Maynila ang nakatakdang isara ng mga awtoridad upang bigyang-daan ang pagdiriwang ng Chinese New Year sa Enero 29.

Sa abiso ng Manila Police District-Public Information Office (MPD-PIO), nabatid na sisimulan ang road closures, ganap na alas-9:00 ng gabi ng Martes, Enero 28.

Kabilang dito ang kahabaan ng Quintin Paredes mula P. Burgos Avenue hanggang Dasmarinas St.; Jones Bridge; Plaza Cervantes; at Binondo-Intramuros Bridge.

Nakatakda rin namang magpatupad ng traffic rerouting scheme ang mga awtoridad upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lungsod.

Metro

69-anyos na lolang nawala sa sunog sa QC, kasamang natupok ng apoy

Kaugnay nito, pinayuhan ng mga awtoridad ang mga motorista na magmumula sa Reina Regente St. na dadaan sa Juan Luna St. at gagamit ng southbound lane ng Jones Bridge, na kumaliwa sa Plaza Lorenzo Ruiz, kumanan sa Noberto Ty, kanan sa Yuchengco St., kaliwa sa Ongpin hanggang sa kani-kanilang destinasyon.

Ang mga motorista namang manggagaling sa P. Burgos Avenue/Taft Avenue na nagnanais gumamit ng Jones Bridge ay maaaring dumiretso sa McArthur Bridge o Quezon Bridge hanggang sa kanilang point of destination.

Ang mga behikulo naman na magmumula sa Plaza Sta. Cruz at gagamit ng Dasmariñas St. ay pinapayuhang kumanan sa Quintin Paredes St. hanggang sa kani-kanilang patutunguhan.

Bukod dito, ang mga motorista na mula sa Magallanes Drive patungong Binondo-Intramuros Bridge ay maaaring dumiretso sa A. Soriano Avenue hanggang sa Anda Circle patungo sa kani-kanilang destinasyon.

Ang mga sasakyan namang magmumula sa Muelle dela Industria patungong Binondo-Intramuros Bridge ay maaaring dumaan sa Madrid St., kanan sa San Fernando St., patungong Plaza San Ruiz, kaliwa sa Q. Paredes St., kanan sa Noberto Ty St., kanan sa Yuchengco at kaliwa sa Ongpin patungo sa kanilang point of destination.

Ayon naman sa MPD-PIO, ang pagsasara at pagbubukas ng mga apektadong kalsada ay ibabase nila sa aktuwal na sitwasyon ng trapiko sa lugar.  

Samantala, inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pag-suspinde sa number coding scheme sa Miyerkules, Enero 29, 2025.

BASAHIN: Number coding, suspendido sa Chinese New Year—MMDA