Naitala sa Bulkang Kanlaon sa Negros Island ang 14 beses na pagbuga ng abo nito at 35 beses na pagyanig sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Linggo, Enero 26.
Sa tala ng Phivolcs, tumagal ang 14 beses na pagbuga ng abo ng Kanlaon ng dalawa hanggang 65 minuto.
Kabilang naman sa 35 volcanic earthquakes ang 11 volcanic tremors na tumagal ng apat hanggang 38 minuto.
Nito ring Sabado, Enero 25, nang magbuga ang bulkan ng 2,413 tonelada ng sulfur dioxide flux (SO2).
Samantala, iniulat ng Phivolcs ang pagbuga ng Kanlaon ng plume na may taas na 900 metro, na napadpad sa kanluran at timog-kanlurang bahagi nito.
Wala rin daw patid ang pagsingaw at panaka-nakang pag-abo ng namamagang bulkan, na sa ngayon ay nakataas pa rin sa Alert Level 3.
Dahil dito, ipinayo ng Phivolcs ang paglikas ng mga nakapaloob sa anim na kilometrong (6 km) radius mula sa tuktok ng bulkan.
Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa tuktok ng Kanlaon.
Matatandaang noong Disyembre 9, 2024 nang pumutok ang Kanlaon, dahilan kaya’t itaas ang status nito sa Alert Level 3.
MAKI-BALITA: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!