Isa sa mga pinakahihintay na okasyon sa iba’t ibang panig ng mundo ang pagdiriwang ng Bagong Taon.
Bagama’t nagkakaiba ng petsa at ilang mga tradisyon, masasabing may pagkakapareho naman sa kung paano ipinagdiriwang ang Bagong Taon ng mga Pilipino (bilang mga Kristiyano at Muslim) at Bagong Taon ng mga Chinese. Sa mga Pilipino at iba pang lahi, lagi itong Enero 1 pero sa mga Chinese, pabago-bago ito, na maaaring Pebrero o Enero.
Para sa 2025, ang pagdiriwang ng mga Chinese sa Bagong Taon ay sa Enero 29.
Pareho lang naman din ang simbolo nito: pagsisimula ng bagong kabanata sa buhay na puno ng pag-asa, pagpapala, at kasaganahan.
Pilipino man o Tsino, narito ang ilan sa mga pagkakapareho sa nakagawiang
Pagsasama-sama ng Pamilya
Pamilya ang pangunahing sentro ng pagdiriwang sa bawat Bagong Taon. Kailangang magkakasama. Iginugugol ang gabi ng pagsalubong sa pagpapalit ng taon sa pamamagitan ng salusalo sa mha inihandang masasarap na pagkain, enggrande man o payak.
Sa Chinese New Year, ang kanilang hapunan sa bisperas ng Bagong Taon na katumbas ng salusalo sa Media Noche ay isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng pagdiriwang. Nagkikita-kita ang pamilya, lalo na ang mga nasa malalayong lugar, upang ipagdiwang ang pagsisimula ng taon nang magkakasama.
Pagpapakita ng Pasasalamat at Pag-asa
Parehong binibigyang-diin ng dalawang pagdiriwang ang pasasalamat para sa mga biyayang natanggap at ang pag-asa para sa mas maginhawa at masaganang Bagong Taon. Ang iba ay nagdarasal pa bago ang aktuwal na salusalo.
Sa Chinese New Year naman, isinasagawa ang mga ritwal tulad ng pagsusunog ng insenso at pagbibigay-galang sa mga ninuno upang magpasalamat at humingi ng swerte para sa darating na taon.
Pagpapahalaga sa Kasaganahan
Isa sa mga pangunahing simbolismo ng parehong pagdiriwang ay ang kasaganahan. Sa mga Kristiyano lalo na sa mga Katoliko, makikita ito sa tradisyong paghahanda ng 12 bilog na prutas, na sumisimbolo ng kasaganaan at kaswertehan. Sa Chinese New Year, may ganoon din naman, samahan pa ng mga pagkaing may kahulugan para sa kanila tulad ng tikoy (nian gao) at pansit (longevity noodles) na may kahulugan ng kasaganaan at mahabang buhay. Parehong ipinapakita sa tradisyong ito ang hangaring umunlad at maging matagumpay sa buhay.
Mga Paputok at Ingay
Ang paggamit ng paputok at iba pang maiingay na bagay ay parehong elemento sa dalawang pagdiriwang. Sa mga Pilipino at iba pang lahi, bahagi ng selebrasyon ang fireworks display na sumisimbolo ng pag-iwan sa lumang taon at pagsalubong sa bago. Sa Chinese New Year, ang mga paputok ay itinuturing na mahalaga dahil pinaniniwalaang pinapalayas nito ang masasamang espiritu at malas. Ang layunin sa parehong tradisyon ay magbigay ng masayang simula sa Bagong Taon.
Paggawa ng Resolusyon o Panata
Karaniwan ang paggawa ng New Year’s resolutions—mga pangakong pagbabago para sa mas mabuting bersyon ng sarili. Sa Chinese New Year, hindi man eksaktong tinatawag na resolusyon, may kaugnay na tradisyon tulad ng pagbabayad ng utang, paglilinis ng bahay, at pagbibigay ng “red envelopes” bilang simbolo ng maayos na pagsisimula ng taon. Ang parehong tradisyon ay sumasalamin sa pagbibigay-halaga sa pagpapabuti ng sarili at pagbabalik ng kabutihan sa iba.
Pagbibigay-Suwerte
Sa parehong okasyon, binibigyang-halaga ang mga tradisyong naglalayong magdala ng suwerte. Sa mga Pilipino, naniniwala ang iba sa pagtalon ng bata sa bisperas ng bagong taon upang tumangkad, o ang pagsusuot ng polka dots para sa kasaganahan. Sa Chinese New Year naman, ang paggamit ng pulang dekorasyon at pagsusuot ng pula ay mahalaga dahil ito’y sumisimbolo ng suwerte at tagumpay.
Pagiging Multikultural
Ang parehong pagdiriwang ay nagpapakita ng yaman ng kultura at tradisyon ng mga Pilipino. Dahil sa impluwensya ng Kristiyanismo at Tsino sa Pilipinas, madalas na pinagsasama ng mga Pilipino ang mga kaugalian sa parehong okasyon. Halimbawa, may ilang Pilipinong naghahanda ng bilog na prutas tuwing Kristiyanong New Year at gumagamit din ng mga pulang dekorasyon na karaniwan sa Chinese New Year.
Bagama’t may magkaibang pinagmulan, ang parehong pagdiriwang ay parehong nagtataguyod ng diwa ng pagkakaisa, pasasalamat, at pag-asa para sa mas maliwanag na kinabukasan.
Ang tanong: Puwede bang sumali ang isang Chinese sa pagdiriwang ng Bagong Taon ng mga Pilipino, o ang mga Pilipino sa mga Chinese? Ang sagot ay oo naman. Sa katunayan, tuwing sasapit ang Chinese New Year ay idinedeklara itong national holiday upang ipakita ang pakikiisa ng lahat para dito.
Sa huli, ang mahalaga ay ang pagbibigay-halaga sa mga tradisyon na nagpapalapit sa pamilya, nagpapasaya sa pamayanan, at nagpapalaganap ng positibong pananaw sa buhay.