Tuwing Chinese New Year, kilalang pasyalan ng mga turista ang Binondo kung saan matatagpuan ang Chinatown.
Ngunit, bakit nga ba nagkaroon ng Chinatown sa Pilipinas?
Base sa panayam ng ABS-CBN News, ibinahagi ng historyador na si Xiao Chua na may kinalaman ang pagkakaroon ng Chinatown sa Pilipinas sa pagte-trade noon ng mga Chinese sa bansa ilang mga daang taon na ang nakalilipas.
Noong nagkaroon daw ng Galleon Trade, mas dumami pa ang mga negosyanteng Chinese na bumibisita sa Pilipinas na tinawag na “sangley” o “frequent visitor.”
Una raw na nanirahan ang naturang mga Intsik sa Parian na ngayon ay kilalang Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Ngunit inilipat daw ang mga Katolikong Intsik sa Binondo nang ipalaganap ng mga Kastilang mananakop sa Pilipinas ang Kristiyanismo.
"Di ba meron silang Christianization, so 'yung mga Katolikong Chinese ngayon, binigyan nila ng bagong area, kaya 1580s, doon nila nilagay sa Binondo," ani Chua.
Doon na raw nagsimulang maging sentro ang Binondo ng komersyo ng mga negosyanteng Chinese at hanggang sa ngayon ay nakilala na rin ito bilang Chinatown.