Kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) na kakailanganin pa umano ng karagdagang budget ang tinatayang 36 milyong pending na National IDs upang mai-release ito sa publiko.
Sa panayam ng media Deputy National Statistician Rosalinda Bautista sa launching ng PSA Helpline at National ID integration kamakailan, inihayag `niyang patuloy pa rin umano nilang tinatrabaho ang nasabing backlog sa National ID.
“We are working on a decentralized printing so we will try to wipe out that backlog if given additional budget because our approved NEP (National Expenditure Program) cannot support yung full printing of these 36 million cards,” ani Bautista.
Dagdag pa ni Bautista, “May ginawa kaming paraan. If they are truly registered, they can get their ePhilID. At the same time, meron din kaming digital national ID. Pero siyempre marami pa ring naghahanap na gusto talaga nila card.”
Mula sa 91.7 milyong nagparehistro para sa National ID noong 2024, tinatayang nasa 55 milyon pa lang umano ang nare-release ng PSA. Naapektuhan daw ng mga nagdaang kalamidad ang onsite registration ng National ID.
“Alam naman natin ilang regions ang affected ng sunud-sunod na bagyo. Kapag nagsuspinde ang work, registration basically also stops,” saad ni Bautista.