February 05, 2025

Home SHOWBIZ

Mon Confiado, mas pinapahalagahan sa ibang bansa kaysa sa Pinas?

Mon Confiado, mas pinapahalagahan sa ibang bansa kaysa sa Pinas?
Photo Courtesy: Mon Confiado (FB)

Nagbigay ng reaksiyon ang versatile actor na si Mon Confiado hinggil sa pagiging supporting actor niya sa Pilipinas habang ginagawa siyang lead actor sa ilang pelikula ng ibang bansa.

Sa latest episode kasi ng TicTALK with Aster Amoyo noong Biyernes, Enero 24, nabanggit ni Aster ang pelikulang “Turncoat” ni Mon kung saan kasama nito si Italian actress Anna Luisa Capasa.

“Nai-shoot ko ‘yan sa L.A.,” lahad ni Mon, “although hindi pa ‘yan nare-release, ‘yong ‘Turncoat.’ At mayro’n din akong ginawa noon sa L.A. na na-release naman sa Amazon Prime U.S.A. and Europe, ‘yong ‘Stateside’”

“Ako rin ‘yong lead actor do’n,” pagpapatuloy niya. “Homeless [naman ang role ko do’n]. Kumbaga squatter ako. Sa bangketa ako nakatira kasi TNT.”

Vice Ganda kay Max Collins: 'Mabubulok ka rin!'

“Imagine, sa ibang bansa lead actor ka pero dito hanggang support ka lang. ‘Di ba how strange? Sarili mong bansa, sarili mong bahay,” komento naman ni Aster.

“Minsan po kasi gano’n, e,” sagot ni Mon. “Katulad po ni Dolly De Leon. Ngayon, pinagkakaguluhan. Ang nagbigay ng break, taga-ibang bansa. Pero ngayon superstar na si Dolly De Leon. Si Soliman Cruz gano’n din.”

Matatandaang isa si Mon sa mga kinikilalang character actor sa Pilipinas dahil sa natatangi niyang pagganap sa mga supporting role.

Kaya naman, hindi nakapagtatakang nakatanggap na siya ng tinatayang tatlumpung nominations at anim na major awards sa kaniyang buong career bilang aktor.