Inihayag ni Commission on Elections (Comelec) George Erwin Garcia na hindi na raw maaaring tanggalin ang pangalan ng sinumang kandidatong aatras sa kanilang kandidatura, sa oras na maimprenta na ang mga balota.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin noong Biyernes, Enero 24, 2025, mananatili pa rin ang mga pangalan ng mga kandidato sa balota, kung sakaling magpahayag sila ng withdrawal bago sumapit ang eleksyon.
"Kapag nag-iimprenta na kami ng balota at may magwi-iwithdraw pa, hindi na po namin matatanggal yung mga pangalan po nila, idedeklara na lang naming “stray” yung lahat po ng boto sa kanila," ani Garcia.
Matatandaang noong Martes, Enero 21 nang muling inanunsyo ng Comelec ang pagpapaliban ng pag-imprenta sa mga balota dahil pagsasaayos nila ng mga pangalan ng kandidato at ilan pang mahahalagang detalye.
Inaasahang sa darating na Lunes, Enero 27, muling sisimulan ng Comelec ang pag-iimprenta ng mga balota kung saan tinatayang aabot ito ng 1.5M kopya mula sa National Printing Office (NPO) at Miru Systems.