Nailigtas ang isang batang hinostage nitong Sabado ng gabi, Enero 25, sa Taytay, Rizal.
Sa isang social media post bandang 8:15 ng gabi, sinabi ni Taytay Mayor Allan De Leon na asahan ang mabagal at mabigat na daloy ng trapiko sa kahabaan ng C6-Lakeview patungong Taguig City dahil sa nagaganap na hostage taking.
"Isang hostage taking ang kasalukuyang nagaganap sa nasabing lugar sa mismong gitna ng kalsada. Narito na ang ating mga awtoridad at mga kapulisan upang aksyunan ang pangyayari," anang alkalde.
Samantala, sa panibagong update, sinabi niyang nailigtas nang maayos at matiwasay ang batang hinostage, at hawak na ng awtoridad ang suspek.
"Sa pangunguna ng ating Provincial Director Philip Maragun, Taytay Police Chief Marlo Solero at mga task force multiplier, maayos at matiwasay na natapos at nailigtas ang batang na hostage. Kasalukuyang hawak na ng mga awtoridad ang nasabing suspek at nasa kustodiya na ng PNP," ani De Leon.
Dagdag pa niya, "Binuksan at maluwag na dumadaloy na ang trapiko sa magkabilang linya ng C6 Road. Patuloy na mag-ingat ang lahat."
Gayunman, habang isinusulat ito, wala pang ibang detalyeng inilalabas ang alkalde maging ang mga awtoridad ng Taytay tungkol sa nangyaring insidente.
***Ito ay isang developing story