February 05, 2025

Home BALITA National

Higit 3k na bata, isinilang ng mga inang edad 10-14 noong 2023 —PSA

Higit 3k na bata, isinilang ng mga inang edad 10-14 noong 2023 —PSA
Photo Courtesy: via MB

Tumaas umano ang bilang ng mga inang nagsisilang ng sanggol na pabata nang pabata ang edad noong 2023 batay sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon sa PSA, nasa 2,113 sanggol daw ang naipanganak mula sa mga inang wala pang edad 15 noong 2020 at patuloy na umakyat hanggang 3,343 pagdating ng 2023. 

Sa ginanap na press conference ng Child Rights Network (CRN) noong Biyernes, Enero 24, binigyang-diin nila ang nasabing isyu sa gitna ng panawagan nilang suportahan ng mga mambabatas ang Senate Bill 1979 o Adolescent Pregnancy Prevention Bill.

“How can children prevent something like teenage pregnancy if they do not know anything or rely on inaccurate information that they've just heard somewhere?” saad ni Au Quilala, convenor ng CRN. “The Young Adult Fertility and Sexuality Study said that the number one source of information for young people about sex is not their parents but the Internet, followed by their peers."

National

Chief of staff ni VP Sara, balik-OVP na

Dagdag pa niya, “Delikado kapag sa Internet lamang kumukuha ng impormasyon ang mga bata without proper discernment. May mga kaso rin kung saan ang mga magulang o guardians ng mga bata ang mismong nang-abuso sa kanila. We want to prevent abusive parents from continuing to manipulate and harm their children.”

Kaya aniya, mahalaga raw ang comprehensive sexuality education upang bigyan ng espasyo at lakas ng loob ang mga bata na isumbong sa mga guro at awtoridad ang mararanasang abuso mula sa kanilang mga magulang o tagapag-alaga.

“Let's not wait before it's too late to protect more Filipino children from abuse and early pregnancies,” pahabol ni Quilala. 

Matatandaang matapos bawiin ng ilang senador ang pirma nila sa Senate Bill 1979, inihayag ng umakda nitong si Senador Risa Hontiveros na gagawa ng substitute bill para ikonsidera ang pangamba ng iba’t ibang grupo.

MAKI-BALITA: Hontiveros, nauunawaan ilang senador na binawi ang pirma sa Adolescent Pregnancy Bill

MAKI-BALITA: 4 na senador, binawi ang pirma sa Adolescent Pregnancy Bill

Ngunit ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., babasahin muna raw niya ang substitute bill matapos tanungin kung magbabago ba ang tindig niya sa usaping ito.