Naglabas na ng pahayag ang driver ng isang ride-hailing services na inireklamo sa Facebook post ng naging pasaherong estudyante, matapos daw siyang akusahang nagsasagawa ng kahalayan sa sarili habang nagmamaneho, o "masturbation."
Mababasa sa viral Facebook post ng pasaherong estudyante na nagngangalang "Daniella" ang kaniyang umano'y engkuwentro laban sa na-book na driver.
May pamagat ang kaniyang post na "TW [Trigger Warning]//Sexual Harassment." Sa unang talata ng kaniyang post ay agad niyang binalaan ang mga netizen na huwag mag-book sa driver, na binanggit pa ang buong pangalan pati na ang deskripsyon ng kotse at plate number.
"Grab IM STILL SHAKING FROM EVERYTHING THAT HAPPEND JUST A FEW MINUTES AGO. OUR GRAB DRIVER M*STURB*TED DURING THE TRIP," mababasa sa post ng pasahero.
Kuwento ng pasahero, kasama niya ang kapatid na babae nang mga sandaling iyon. Katatapos lamang daw ng kaniyang school activity kaya minabuti nilang mag-book na lamang sa halip na mag-commute para mas ligtas.
"THE MOMENT WE GOT IN THE CAR this manyakis was already breathing heavily and was acting weird. I was tired from today but my gut told me to stay alert. 5 minutes palang I started hearing squishing sounds and he also was breathing more heavily, almost moaning in fact. I immediately got it," aniya.
Sa pagpapatuloy pa niya, "I now fully zipped up cmy jacket, alerted my sister discretely and messaged our dad (who booked the trip) to report immediately. I had to wait a little bit to find an area that was more in public and that I was well familiar with. From there, I started an audio recording and confronted the driver. I can't be scared or even sound like it kasi he'll think it's nothing. BTW he picked us up at pur school gate. HE KNEW WE WERE STUDENTS."
"He was in the middle of his 'session' when I asked him out loud if he was okay. I told him I noticed he was breathing super heavily. Nagulat siya and tried to laugh it off... I kept asking angrily anong meron I looked him straight in the eyes. He said na busog daw kasi siya daming niyang nakain na kanin. Naka taas yung shirt niya and I saw that only hand was on the wheel. The squishing sound got louder. Then he proceeded to continue what he was doing sabi niya 'ah wala maam ang taba kasi.'"
Nang muli raw komprontahin ng pasaherong estudyante ang driver sa ginagawa raw nito, tila natakot daw ang driver at nagsimula raw mag-apologize. Sinabihan daw niya ang driver na itabi na ang sasakyan at bababa na sila ng kaniyang kapatid.
Hindi naman daw makapaniwala ang pasahero na mararanasan daw nila ang ganoong insidente, sa pag-aakalang magiging ligtas daw sila rito sa halip na mag-commute.
Pahayag pa niya sa huling talata ng post, "Walang mamanyakin kung walang manyakis. There's a special place in hell for people like this."
Agad namang nag-viral ang nabanggit na post ni Daniella at marami sa mga netizen ang naalarma at nagalit sa nabanggit na driver. Sinita rin nila ang pamunuan ng ride-hailing app na aksyunan ang reklamo ng pasahero.
PANIG NG UMANO'Y INAAKUSAHANG DRIVER
Subalit sumagot naman ang driver sa pamamagitan ng Facebook post, at dito ay ipinaliwanag naman niya ang kaniyang panig.
Mababasa sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes ng hapon, Enero 24, Nabasa ko po ang post ni Ms. Daniella Charlize tungkol sa akin. Gusto ko pong sabihin na DI AKO NAG-MASTURB*TE sa ride at hindi ko po gagawin ang karumaldumal na gawaing ito sa publiko."
"Ako po ay isang pamilyadong tao at may dalawang anak na babae kaya matindi po ang aking respeto sa kababaihan."
"Ako po ay overweight, may hika, at high blood. Kakagaling ko lang mag-hapunan at dahil sa kabusugan ay hinihingal. Naiintindihan ko kung paano ito maaring ma-misinterpret ni Ms. Daniella. Pero uulitin ko po, hindi po ako NAG-MASTURB*TE.
Mapapatunayan rin po ni Ms. Daniella na kailanman ay wala akong nilabas na ari sa kasagsagan ng ride."
"Gusto ko lang din iklaro na ako po ay hindi nag-sorry o nag-panic nung ako ay hinarap at kinonfront ni Ms. Daniella Charlize dahil wala naman po akong ginagawang masama. Mas nagtaka lamang po dahil bigla silang nagrequest bumaba. Kinamusta ko rin po sila kung bakit sila nagpapababa. Papatunayan po ito ng Audio Protect recording ni Grab na kasalukuyan na rin po nilang nirereview. Halos 5 to 6 minutes lang po sila sa loob ng aking sasakyan."
"Ako po ay may katabaan lamang kaya iba ang tunog ng aking hingal na maaring mainterpret bilang 'squishy sound.' Pasensya na po kung ito ay nakakabahala sa iba."
"Naiintindihan ko kung bakit ako ay pansamantalang deactivated ngayon sa Grab. Hindi pa po ako nakakabiyahe hangga’t hindi matapos ang imbestigasyong isinasagawa. Kung kinakailangan, willing po akong harapin at kausapin ng personal si Ms. Daniella at ang kanyang ama."
Nagsalita na raw ang driver dahil sa dami ng bashing at death threats na kaniyang natatanggap, at apektado na rin umano ang kaniyang pamilya. Sa kabilang banda, nakiusap ang driver na huwag ding i-bash ang nagreklamong pasahero.
"Humingi lang po ako ng inyong pag-unawa at nawa'y maimbestigahan ito nang patas at maayos, at matapos na ang mga maling akusasyon at panghuhusga, dahil naapektuhan na rin ang aking pamilya, lalo na ang aking anak, dahil sa dami ng bashing at maging death threats."
"Mga kasama ngppasalamat po ako s inyong png unawa at suporta. nauunawaan ko po ang inyong galit,dahil grabe dn po ang aking pinagdadaanan ngayon. pro sana ay wag po nating personalin at ibash si Ms. Daniella. Nanalig n lng po ako s imbestigasyon ni Grab. Maraming Salamat po."
"Ang pamunuan ng Grab ay Kasalukuyang ngiimbestiga na po sa nangyaring insidente na ito. Salamat po ulit sa inyong suporta at png unawa."
Habang isinusulat ang artikulong ito ay sinasabing hindi na umano mahagilap ang nag-viral na Facebook post ng nagreklamong pasahero, at batay pa sa screenshots ng iba pang netizen, ay nagsapribado na raw ng social media accounts.
Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang Grab sa nabanggit na isyu. Bukas ang Balita sa kanilang panig.