Hinikayat ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ang lahat ng media outlets na magsagawa umano ng mga debate para sa mga senatorial aspirants.
Sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo kay Garcia kamakailan, iginiit niya na nakahanda raw silang gumawa ng isang resolusyon na magsasaad ng pagdalo ng mga kumakandidato sa pagkasenador sa ikakasang election debate ng ilang media outlet.
“Kinakailangang susunod sila sa patakaran ng Comelec and kung inendorse namin ang isang debate, pwede namin silang i-compel and umattend din sa mga debate na yun because sa aking paniniwala, 'yan ay regulasyon ng Comelec,” ani Garcia.
Nilinaw din ni Garcia na hindi na raw mag-oorganisa ngsenatorial debate ang Comelec, bagkus ay pawang lehitimong media outlets na raw ang kanilang susuportahan.
“Ang nangyari nung 2022, Comelec ang mismong nag-sponsor ng debate. Hindi tama yun, contrary yun sa batas. Kaya ngayon ay ine-engganyo namin ang mga istasyon ng radyo at TV na gustong magpadebate, kami ay magbibigay ng go signal,” anang Comelec chairman.
Nasa 66 ang kumpirmado at naisapinal na bilang ng senatorial aspirants na nag-aasam na makasungkit ng posisyon sa senado sa darating na National and Local Elections (NLE) sa Mayo 12, 2025.