Binigyang-pugay ni dating Senador Bam Aquino ang tita niyang si dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino sa ika-92 birth anniversary nito ngayong Sabado, Enero 25.
Sa isang X post, inilarawan ni Bam si Cory bilang isang mapagmahal na ina na nagsasakripisyo, may pananampalataya at naniwala sa pagkakaisa ng bayan.
“Today we remember the life of our dear Tita Cory - mapagmahal na ina na nagsakripisyo, nanampalataya sa Diyos, at naniwala sa lakas ng pagkakaisa ng taumbayan. Maligayang kaarawan, Tita Cory Aquino,” ani Bam.
Matatandaang si Cory ang nagsilbing ika-11 pangulo at unang babaeng pangulo ng Pilipinas.
Nanumpa siya bilang punong ehekutibo ng bansa noong 1986 matapos mapatalsik si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa pamamagitan ng makasaysayang People Power Revolution I. Natapos ang paninilbihan ni Cory bilang pangulo noong 1992.
Noong Agosto 1 2009 naman nang pumanaw si Cory sa edad na 76 dahil sa sakit na colon cancer.